Calendar

Abril 12 pinaka-importanteng araw para sa mga Saksi ni Jehova
PINAKAMAHALAGANG araw ngayong 2025 sa Sabado, Abril 12, para sa mga Saksi ni Jehova sa buong mundo.
Ang araw na iyon tumutugma sa Nisan 14 ng kalendaryong Hudyo. Sa petsang iyon, mahigit 2,000 taon na ang nakalilipas, itinuro ni Jesus ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon ilang oras bago siya namatay.
Bilang resulta, taun-taon na nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova sa Nisan 14 upang alalahanin ang kamatayan ni Kristo Jesus bilang pagsunod sa kanyang mga salita na nakatala sa Lucas 22:19: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”
“Habang mayroong mahigit 9 na milyong Saksi ni Jehova sa buong mundo, mahigit 21 milyong tao ang dumalo sa memoryal noong nakaraang taon,” sabi ni James Morales, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova.
Ang taunang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon magtatampok ng isang pahayag na magdiriin sa kahalagahan ng kamatayan ni Jesus at kung paano nakikinabang ang buong sangkatauhan mula sa kanyang sakripisyo.
Ang okasyong ito tatagal ng isang oras, libre at bukas sa publiko.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Hapunan ng Panginoon, puwedeng bisitahin ang online na paanyaya ng okasyong ito sa jw.org, ang opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova.
Bukod dito, isang espesyal na pahayag na pinamagatang “Posible Bang Makita ang Katotohanan?” ang ihahatid sa mga lokal na Kingdom Hall sa dulong sanlinggo ng Abril 5 at 6.
Ang pahayag tatagal ng 30 minuto at batay sa Bibliya at magtatampok sa sinabi ni Jesus tungkol sa katotohanan at kung saan ito matatagpuan sa kabila ng pagdami ng maling impormasyon ngayon.
Ang pahayag susundan ng isang oras na talakayan ng isang paksa sa Bibliya na may pakikibahagi ng mga tagapakinig.
Sa Metro Manila, maglulunsad ang mga Saksi ni Jehova ng isang buwang kampanya upang imbitahan ang mga residente sa Memoryal at espesyal na pahayag sa Abril.
“Ang layunin ng aming kampanya ay upang ipamahagi ang imbitasyon sa dalawang espesyal na okasyon na ito sa pinakamaraming tao sa aming komunidad hangga’t maaari,” sabi ni Morales.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga okasyong ito, bisitahin ang website na jw.org.