Tulfo

ACT-CIS Partylist isusulong prayoridad sa pagtanggap sa trabaho sa mga retiradong uniformed personnel

163 Views

ISUSULONG ng ACT-CIS Partylist ang batas na magbibigay prayoridad sa pagkuha sa trabaho sa mga retiradong mga uniformed personnel sa mga kumpanya pribado man o sa gobyerno.

Ayon kay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, “ang pagha-hire o pagkuha sa mga retired uniform personnel sa trabaho ay tanda ng pasasalamat ng sambayanan sa kanilang pagseserbisyo sa bayan”.

Ayon kay Cong. Tulfo, “hindi matatawaran ang pagsasakripisyo ng mga sundalo natin para masiguro na hindi makababa sa kanayunan ang mga terorista at mga bandido habang ang mga pulis naman ay ang matiyak ang kapayaapaan at kaayusan sa ating komunidad”.

Sa panukalang batas na ihahain nina Cong. Tulfo at mga kasamahan na sina Rep. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, nakasaad na dapat bigyan ng prayoridad ng mga ahensya o kumpanya ang pagtanggap sa mga retired uniform personnel sa trabaho na dapat akma din naman sa naging trabaho nila noong nasa serbisyo pa sila.

“Halimbawa sa AFP o PNP, kung ikaw ay na-assign sa Finance Unit, pwede ka sa mga bangko o financial institution. At kung ikaw ay nasa medical field, maari kang mag-apply sa mga ospital”, paliwanag ni Tulfo.

Ayon kay Cong. Edvic Yap, “marami na ngayon na mga uniformed personnel ang nagpa-file ng early retirement dahil marahil mas gusto na nilang makapiling ang kanilang pamilya”.

“Pero dapat sila ay physically fit pa rin sa edad na 56 years old at kayang makipagsabayan pa sa mga young ones”, ani Yap.

Para naman kay Cong. Jocelyn Tulfo, hindi lang limitado sa mga pulis at sundalo kundi pati mga miyembro ng Coast Guard, Bureau of Fire at Jail Management.

“Lahat naman sila kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin ay nasa hukay ang isang paa nila”, ayon kay Cong. Tulfo.