Calendar
Agarang kilos ng PNP para madakip mga salarin, utak sa pagpatay kay Degamo hiniling
NANANAWAGAN ngayon ang isang kongresista sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na agad na kumilos para madakip sa lalong madaling panahon ang mga salarin at mga taong na nasa likod ng nangyaring pamamaril at pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Dahil sa pangyayaring ito, binigyang diin ni Palawan 3rd Dist. Congressman Edward S. Hagedorn na ang karumal-dumal na pamamaslang kay Governor Degamo ay isang malinaw na paghahamon sa kapangyarihan ng mga awtoridad. Kung saan, mistulang nilalapastangan ng mga salarin ang batas.
Sinabi ni Hagedorn na hindi na dapat magpatumpik-tumpik ang PNP at agad na kumilos laban sa lumalaganap na kriminalidad. Sapagkat ang kaso ni Degamo ay panibagong insidente ng krimen na nangyari sa bansa na isang direktang paghahamon sa kakayahan ng mga awtoridad.
Ipinaliwanag pa ni Hagedorn na ang sunod-sunod na krimen na nangyari lamang sa loob ng ilang buwan ay maaaring magbigay ng “set-back o masamang impression sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kaya hindi ito dapat balewalain ng PNP at iba pang anti-crime agencies.
Ayon sa mambabatas, ang peace and order ng bansa ang nagsisilbing “backbone” ng Pilipinas. Sapagkat papaano aniya mae-engganyong maglagak ng negosyo at puhunan ang mga foreign investors o dayuhang businessmen sa bansa kung hindi maisa-ayos ang peace and order sa Pilipinas.
“Hindi dapat ito balewalain n gating mga Kapulisan. Kailangan nilang kumilos para mahinto na ang mga ganitong kaso ng krimen. Dahil ang peace and order ng ating bansa ang nakataya dito. Papaano tayo magkakaroon ng mga foreign investors kung hindi natin maayos ang katahimikan ng ating bansa,” paliwanag ni Hagedorn.