Aiai

Ai-Ai natulog sa airport dahil global outage

Vinia Vivar Jul 20, 2024
62 Views

ISA si Ai-Ai de las Alas sa mga naapektuhan ng Microsoft global outage nitong nakaraang Biyernes, July 19, dahil na-delay ang kanyang flight at kinailangang matulog sa airport.

Nasa Charlotte International Airport sa United States ang komedyana nang magkaroon ng worldwide outage kung saan ang pinakamalaking naapektuhan ay ang mga paliparan at bangko sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ipinost ni Ai-Ai sa Facebook ang video kung saan ay makikitang nasa airport siya kasama ang anak na si Sophia.

Pareho silang nakasalampak sa sahig pero maya-maya ay humiga na siya sa lapag kung saan ay nakalatag na ang kanyang baong unan at kumot.

“Nang dahil sa software global outage na to humiga na lang ako sa sahig sa charlotte international airport … salamat at may dala ako kumot at unan…,” sey niya sa caption.

“Salamat sa DYOS kasama ko aking baby girl Sophia de las Alas sya ang nag asikaso ng flight and luggages namin .. techi techi sya .. sabi ko sa kanya kung wala ka iiyak nalang ako …,” aniya pa.

Dahil sa nangyari ay ibinahagi ng aktres ang moral lesson na natutunan.

“Moral lessons sa pangyayare (sa aking sitwasyon..) hwag mag byahe mag isa lalo na pag d ka naman magaling sa mga computer online online…,” aniya.

Isa pang moral lesson ay huwag ilagay sa maleta ang pagkain dahil sa kaso niya ay nagkandagutom-gutom siya.

“Wag ilagay sa maleta ang food ko (hindi sa carry on ko nakalagay –inilagay ko sa check in shunga shunga ko super tomjones akey) at wag mawawala ang kumot at unan … ,“ sey niya.

Papuntang North Carolina si Ai-Ai para sa isang commitment at bagama’t nakarating din naman sila nang safe and sound, naloka pa rin siya sa nangyari.

“Salamat LORD sana makarating na kong north carolina… wag tayong susuko … by land nandyan na kami after 4 hours salamat sinundo nalang kami ni glenn @umacnc baka kasi ma cancel hindi na naman kami makarating sa north carolina .. nakakalerky ang nangyayare sa mundo ..,” aniya.

Kahapon ng umaga ay muling nag-post ng video ang komedyana at ipinakitang okay na siya at fresh na muli matapos ang dusang naranasan.

“Mula sa sufferings dulot ng microsoftware outage sa airport .. eto ako bumabangon muli.. hindi nag patalo ang katawang lupa ko sa sufferings .. laban .. o beauty talk pa more .. fresh yan ahhh dulot ng @mcaesthetics.. gandang walang foundation day .. lipstick lang at eyelash plus tungkil laban na!!!” sey niya.