Martin

Anti-Financial Account Scamming Act inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara

Mar Rodriguez May 8, 2023
157 Views

INIHAYAG ngayong araw ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas hinggil sa “Anti-Financial Account Scamming Act”.

Ayon sa House Speaker, sa pamamagitan ng 256 affirmative votes ay lusot na sa Mababang Kapulungan ang House Bill 7393 o Anti-Financial Account Scamming Act.

Sa pamamagitan nito ay mapo-protektahan ang publiko mula sa mga nagnanakaw ng impormasyon at pera mula sa bangko at e-wallet.

Papatawan ng anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong at/ o multa na P100,000 hanggang P200,000 ang money mule o mga nagnanakaw, kumukuha, tumatanggap, naglilipat, o nagwi-withdraw ng pera o pondo sa mga banko o e-wallet.

Ang mga sangkot naman sa social engineering scheme o panloloko para makuha ang confidential o personal na impormasyon ng mga may-ari ng bank account o e-wallet, ay papatawan ng kulong na anim hanggang 12 taon at/o multang P200,000 hanggang P500,000.

Kung sindikato ang gumawa nito, ituturing itong economic sabotage na ang parusa ay habambuhay na pagkakakulong at multang P1 milyon hanggang P5 milyon.

Pahihintulutan naman ang Bangko Sentral ng Pilipinas na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay na naturang krimen, humingi ng cybercrime warrants at orders salig sa Cybercrime Law, at humingi ng tulong ng mga law enforcement agency sa gagawing pag-iimbestiga.