NCAA

Arana bida sa panalo ng Arellano

Theodore Jurado Apr 28, 2022
329 Views

HUMAKOT si Justin Arana ng 18 points at 29 rebounds nang ibagsak ng Arellano University ang Jose Rizal University, 65-62, upang makopo ang puwesto sa play-in round kahapon ng NCAA men’s basketball tournament sa La Salle Greenhills Gym.

Nanatili sa kontensiyon ang Chiefs na may 4-5 kartada, salamat sa mala-MVP na laro ni Arana.

Kinapos na mapantayan ang all-time record ng liga ni Allwell Oraeme, na kumubra ng 30 sa 81-76 panalo ng Mapua laban sa Arellano noonh Sept. 18, 2015, matapos mabigo na makakuha ng isa pang rebound sa dying seconds, may mas mahalaga pa para kay Arana.

“Siyempre, kung makuha ko man iyon malaking tulong sa akin iyon,” sabi ni Arana, na naiposte ang season-best na ikapitong double-double sa isang no-relief job.

“Pero okay na iyon, sobrang tuwa ko na kasi iyon nga, nanalo na kami. Wala na kaming hihilingin pa. Maraming salamat sa mga teammates ko. Siyempre, nagtulong-tulong kami as a team,” aniya.

“Saludo ako sa kanya,” sabi ni coach Cholo Martin ukol sa bagong career-high ni Arana rebounds.

Haharapin ng Arellano ang mananaig sa do-or-die match bukas sa pagitan ng University of Perpetual Help System Dalta at Emilio Aguinaldo College sa play-in stage sa Linggo.

Nagsumite si Axel Doromal ng 13 points habang nagdagdag si Gelo Sablan ng 11 markers para sa Chiefs.

Sa unang laro, tinapos ng Mapua ang kanilang kampanya sa elimination round sa pamamagitan ng 75-65 panalo laban sa also-ran Lyceum of the Philippines University, kung saan hinihintay nila ang kapalaran na makuha ang nalalabing outright Final Four berth.

Tangan ng Cardinals, na huling pumuwesto sa top four noong 2016, ang 7-2 baraha.

Umaasa ang Mapua na manalo ang Letran laban sa San Beda sa rivalry game bukas sa Filoil Flying V Centre upang masikwato ang ikalawang automatic Final Four berth.

Kung magwawagi naman ang Red Lions, na may 7-1 marka, babagsak ang Cardinals sa play-in stage, kung saan sasagupain ng Mapua ang College of Saint Benilde, na tumapos sa elims bilang No. 4 team, para sa Final Four slot.

Si Paolo Hernandez ay determinado na dalhin ang Cardinals sa mas mataas na level.

Huling nakalagpas ang Mapua sa eliminations ay nang naglalaro pa sina league MVP Allwell Oraeme, CJ Isit at Andoy Estrella.

“Of course, masaya kasi after ilang years, puwede kaming makapasok sa Final Four at sa Finals,” sabi Hernandez, na tumipa ng 13 points at apat na rebounds para sa Cardinals.

Iskor:

Unang laro

Mapua (75) — Hernandez 13, Agustin 13, Lacap 12, Gamboa 10, Garcia 9, Nocum 6, Bonifacio 5, Asuncion 3, Pido 2, Mercado 2, Salenga 0.
LPU (65) — Barba 16, Larupay 15, Remulla 8, Cunanan 7, Navarro 6, Bravo 5, Guadaña 4, Garro 3, Abadeza 1, Jabel 0, Valdez 0, Guinto 0.
Quarterscores: 15-17, 32-34, 53-47, 75-65

Ikalawang laro

Arellano (65) — Arana 18, Doromal 13, Sablan 11, Sta. Ana 7, Oliva 6, Concepcion 3, Valencia 2, Caballero 2, Carandang 2, Cruz 1, Steinl 0.
JRU (62) — Agbong 16, Dionisio 11, Macatangay 9, Delos Santos 8, Arenal 7, Celis 7, Guiab 4, Jungco 0, Bongay 0, Aguado 0, Estrella 0, Aguilar 0, C. Gonzales 0, dela Rama 0.
Quarterscores: 20-17, 34-28, 53-46, 65-62.