Calendar

Atty. Antonio Audie Z. Bucoy itinalagang spox ng House impeachment panel
ITINALAGANG ng House impeachment prosecution panel si Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, isang beteranong litigator at human rights lawyer, bilang opisyal na tagapagsalita nito sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Si Bucoy, na may 41 taong karanasan bilang abogado a nagtapos sa UP College of Law, na tinanggap ang tungkulin matapos himukin ng ilang kaibigan mula sa prosecution panel.
Bilang tagapagsalita, si Bucoy ang haharap sa media para sa public at private prosecutors kaugnay ng paglilitis ng impeachment case ng Bise Presidente.
“Ako po ang tagapagsalita o spokesperson ng prosecution panel. Wala pong distinction. Magkasama po diyan ang public prosecutors at ang private prosecutors,” ang pahayag ni Bucoy nitong Martes sa isang press conference kung saan opisyal siyang ipinakilala sa media.
Ayon kay Bucoy, tinanggap niya ang posisyon bilang pagtugon sa kanyang tungkulin at pananagutan sa bayan.
“Ano ang nag-udyok sa akin na tanggapin ito? Para ho sa bayan. Kinausap ako ng ilang kaibigan na nasa prosecution panel, and sa palagay nila ako ay makakatulong para ilahad sa taumbayan kung ano ang sinusugo ng prosecution. Tinanggap ko po after talking to my family,” paliwanag niya.
Iginiit din ni Bucoy na ang kanyang paglahok sa makasaysayang paglilitis ay pro bono o walang bayad.
“Hindi ko na po kinakailangan ng bayad. Para ho sa bayan ‘to. Hindi ho bayad, bayan,” diin niya.
Si Bucoy ay managing partner ng Bucoy, Poblador and Associates Law Offices at matagal nang propesor ng corporate at remedial law.
Kasapi rin siya ng dalawang kilalang legal advocacy groups sa bansa — ang Free Legal Assistance Group (FLAG) at ang Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity and Nationalism Inc. (MABINI) — na kapwa kilala sa pagtatanggol ng karapatang pantao at paghawak ng mga kasong may mahalagang interes sa publiko.
Inaasahang ihaharap na ng mga tagausig ng Kamara ang kanilang kaso laban kay VP Duterte sa mga darating na linggo, matapos itong ma-impeach noong Pebrero.
Kabilang sa mga binanggit sa impeachment case ang mga alegasyong hayagang paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil sa tiwala ng publiko, at maling paggamit ng confidential at intelligence funds noong siya’y nagsisilbing Kalihim ng Edukasyon noong 2022 at 2023.
Itinuturing ang pagtatalaga kay Bucoy bilang isang mahalagang hakbang upang mapalakas ang kredibilidad ng prosecution at maipakita ang kanilang layunin na maisagawa ang isang tapat, bukas, at makatarungang impeachment trial.