Calendar

Atty. Bucoy dismayado sa mabagal na pag-usad ng paglilits ng Senado kay VP Sara
Ipinahayag ng tagapagsalita ng House impeachment prosecution panel ang kanyang pagkadismaya sa mabagal na pag-usad ng paglilitis ng Senado sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
“Sa ngayon, will there be a swift trial? It doesn’t look that way. There’s so much foot dragging on the part of the impeachment court. Also on the part of the impeached official,” ani Atty. Antonio Audie Z. Bucoy sa kanyang kauna-unang press conference bilang tagapagsalita ng House impeachment panel.
“Pero ito po, once ito ay umusad, pag-usad po nito sa panig ng prosecution, hindi ang prosecution ang magbibigay ng dahilan para maantala ito. Ang gusto ng prosecution, swift trial,” ani Bucoy.
Ang pahayag ni Bucoy ay kaugnay ng pangamba ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga business group, na ang mabilis na paglilitis ay makabubuti sa kumpiyansa ng mga mamumuhunan at sa kabuuang kalagayan ng ekonomiya.
“Yes, a swift trial will address the issue of stability, the issue of investor confidence in the Philippines. Kasi po habang tumatagal ito, habang naaantala, habang lumalawig, naguguluhan ang tao.
Anong ginagawa ng tao? Nagagalit, nag-ra-rally, nagpo-protesta,” ani Bucoy.
“So sa foreign investors, hindi po maganda ‘yan. Ang gusto ng foreign investors, stability. Pangalawa, nagda-digress ang atensyon ng Senado sa halip na sila ay makagawa ng mga batas na makakatulong sa ekonomiya,” dagdag pa niya.
Sinabi niya na ang Senado bilang impeachment court ay dapat magsagawa ng isang mabilis na paglilitis upang makabalik agad ito sa tungkulin nitong paggawa ng batas.
“Ayon po sa rules of impeachment, ang impeachment should be given priority at a certain hour they should stop their legislative work and conduct the trial of impeachment. So nakahati ‘yung atensyon. So hindi ho maganda ‘yan. Dahil ‘yung paggawa ng batas na makakatulong sa ekonomiya ay naaantala. So mas mabuti na maging swift, maging mabilis ‘yung paglilitis para investor confidence is assured,” paliwanag ni Bucoy.
Ibinunyag ni Bucoy na sa mga susunod na araw ay magsusumite ang House prosecution team ng isang pleading sa impeachment court na magsasama ng resolusyong inaprubahan ng Kamara noong nakaraang linggo, na nagsasaad na ito ay sumunod sa Konstitusyon sa pag-impeach kay VP Duterte.
Binigyang-diin niya na ang prosecution ang hindi magiging dahilan ng pagkaantala ng paglilitis.
“Ngayon, ito po ano, gaya ho ng nabanggit ko, ang Prosecution Panel ay magsusumite or maglalahad ng appropriate pleading. Ngayon, I assure the public that Prosecution Panel will not provide reason for any delay. Hindi ang House Prosecution Panel ang magbibigay ng dahilan upang maantala ang trial ng impeachment,” ani niya.
Ipinahayag din niya na ang hinihinging requirement ng impeachment court para sa incoming 20th Congress na maglabas ng kumpirmasyon na nais nitong ituloy ang paglilitis kay VP Duterte ay hindi kinakailangan at isa umanong “surplusage.”
“Consistent po doon sa aking unang nabanggit na ang institusyon ay hindi nag eexpire, ang nage-expire ay ang paggawa ng batas. Hindi po dapat kinakailangan pang magkaroon ng attestation or affirmation na gusto pa ng ikadalwampung kongreso na ipagpatuloy (ang trial),” aniya.
Sinabi rin niya na hindi na maaaring bawiin ng incoming House ang complaint dahil ito ay naipadala na sa Senado ng kasalukuyang House.
“It is not an option to withdraw it dahil tapos na ang constitutional duty ng Kamara nung trinansmit yung Articles of Impeachment. Hindi na pupwedeng bawiin ‘yun. So sa madalit sabi, it is not an option. Tuloy-tuloy na po yan, and besides paano magcocomply ang 20th Congress ay hindi pa convened its a surplusage,” ani Bucoy.