Calendar
I WARN YOU!–Nagbabala si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso noong Huwebes sa mga flood control contractor na may P247 milyon na hindi pa binabayarang buwis ang maraming contractors. Maba-blacklist sa pagkuha ng permit ang mga contractors na ito kung hindi nila mababayaran ang kanilang obligasyon sa buwis. Kuha ni JonJon Reyes
Ayaw ma-blacklist? Bayad kayo ng tax–Isko sa mga may utang na contractors
BINALAAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga contractors ng flood control projects sa siyudad na ipapa-blacklist sila sa oras na hindi mabayaran ang P247 milyong obligasyon sa buwis.
Ayon sa alkalde, ibinigay sa kanya ng Office of the City Treasurer ang mga contractors na nasa likod ng 305 na flood control projects sa Maynila na hindi nagbayad ng P247 milyon at siyam pa lang sa mga ito ang tumupad at nagbayad ng P8.09 milyon.
Ang naturang delingkwenteng proyekto nagsimula noong 2024 at nagpatuloy hanggang 2025 batay sa nakatala sa listahan ng Sumbong Sa Pangulo website.
“What will be the action of the city? We will make sure, paalala at babala na rin sa ibang ahensya ng gobyerno, na itong mga hindi magco-comply na kumpanya will be blacklisted at the City Engineering Office and the Office of the City Building Official,” pahayag ng alkalde.
Ang mga blacklisted na contractors aniya ay hindi makakakuha ng permiso sa Maynila kapag nakakuha ng proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH) o alinmang ahensiya ng pambansang pamahalaan.
Isasampa rin aniya nila ang reklamo laban sa mga ipapa-blacklist nilang kontratista sa DPWH na pinamumunuan ngayon ni Secretary Vince Dizon.
Sa ngayon, diplomasya muna ang kanilang ginawa sa pamamagitan ng pagpapadala sa 305 na contractors ng paalala o notice para magbayad ng kanilang obligasyon kung saan 86 ang personal nilang naipadala, 12 ang tumangging tanggapin ito, 192 ang ipinadala sa LBC, 12 sa PhilPost at tatlo ang hindi pa naipapadala dahil nagpalit na ng address.
Ang hindi pagtanggap ng notice ng mga pinadalhang contractors ay hindi nangangahulugan na ligtas na sila sa pananagutan.
“Ang mahirap nito, yung ordinaryong pamilya, nagpapagawa ng bahay, sinisingil ng contractor’s tax, building permit, zoning permit. But these big companies, nasanay sila na walang gobyerno sa Maynila. Those days are over,” sabi ng mayor.
“Obligasyon pa lang hinihingi namin, pero yung negosyo nila malilimitahan kapag sila ay nakipagmatigasan,” pahayag ng alkalde.

