Azkals Philippine goalkeeper Neil Etheridge laban sa Malaysia. PFF photo

Azkals nakatikim ng talo sa Malaysia

Theodore Jurado Mar 24, 2022
156 Views

NALASAP ng Philippines ang unang pagkatalo sa Malaysia sa loob ng 15 taon matapos ang 0-2 pagkabigo sa FAS Tri-Nation Series sa Singapore National Stadium Miyerkules ng gabi.

Umiskor si Akhyar Rashid ng dalawang first-half goals na siyang nagbigay sa panalo para sa Malaysians kontra sa Azkals na nahirapan sa kabila ng presensiya ni goalkeeper Neil Etheridge.

Binuksan ni Akhyar ang scoring sa 3rd minute at dinoble ang kalamangan ng Malaysia matapos ang 22 minuto.

Sisikapin ng Philippines na makabawi sa Martes kontra sa hosts Singapore upang tuldukan ang kanilang international friendlies laban sa Southeast Asian sides.

Ito ang unang pagkatalo ng Azkals sa Malaysians magmula pa noong Jan. 12, 2007 – na 0-4 pagbokya sa AFF Championship. Tumabla ang Philippines at Malaysia sa huli lima nilang pagkikita – lahat ay international friendlies.