Calendar
Bagong bersyon ng sex education susuriin ni PBBM
BABASAHIN muna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bagong bersyon ng Adolescent Pregnancy Prevention Bill na isinusulong ni Deputy Minority Leader Senador Risa Hontiveros.
“I need to read the substitute bill first,” pahayag ni Pangulong Marcos nang tanungin kung mababago ang kanyang pananaw sa naturang panukala.
Una nang ginarantiya ni Pangulong Marcos na agad niyang ivi-veto ang Senate Bill 1979 o Adolescent Pregnancy Prevention Bill kung hindi babaguhin ang kasalukuyang porma.
Pitong senador na ang umurong sa pagsuporta sa Committee Report 41 ukol sa Senate Bill 1979.
Ayon kay Hontiveros, tinanggal na niya ang probisyon na Comprehensive Sexual Education na nakaangkla sa international standards.
Sa ilalim ng bagong panukala, lilimitahan n ani Hontiveros ang mandatory CSE sa adolescents edad 10 taong gulang pataas.
“Paano natin mabibigyan ng suporta at pagtulong ang mga batang nahaharap at humarap sa teenage pregnancy kung hindi sapat ang batas na magbibigay sa kanila ng proteksyon. Itigil natin ang fake news at magtulungan tayo ukol dito.”
Ito ang naging pahayag ni Hontiveros habang pinagtibay niya ang kanyang dedikasyon sa paglaban sa krisis ng maagang pagbubuntis sa bansa ng mga kabataan na babe.
Sa isang press briefing sa Kapihan sa Senado noong Enero 23, 2025, inilunsad niya ang substitute bill para sa Senate Bill 1979, na kilala bilang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill.
Layunin ng bagong bersyon na ito na tugunan ang mga isyung inilabas kaugnay ng orihinal na panukala habang pinananatili ang pangunahing layunin nitong maiwasan ang maagang pagbubuntis at magbigay ng kinakailangang proteksyong panlipunan.
“Dahil na rin sa dami at init ng mga diskusyon sa nilalaman ng SB 1979 o Prevention of Adolescent Pregnancy Bill, kahapon, minabuti nating mag-file ng isang substitute bill,” ani Hontiveros. “Dahil sa kabila ng pagpapakalat nila ng mga fake news, nananatili ang ating tunay na misyon: ang maampat ang pagtaas ng maagang pagbubuntis ng mga batang Pilipino.”
Binigyang-diin ni Hontiveros na ang maagang pagbubuntis ay nananatiling pambansang emergency na nangangailangan ng agarang aksyon mula sa Senado. “Ang teen pregnancy ay isa pa ring national emergency at kailangan pa rin natin sa Senado na magpasa ng batas na makakatulong sa mga Pilipino. Hindi pwedeng talikuran ng Senado ang kanyang tungkulin na tugunan ito,” dagdag niya.
Ang substitute bill ay naglalaman ng mga mahalagang pagbabago upang matugunan ang maling interpretasyon at pagtutol sa orihinal na bersyon. Ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) ay limitado na lamang para sa mga adolescent na nasa edad 10–19 taon. Tinanggal din ang pariralang “guided by international standards” upang masiguro ang pagkakahanay nito sa kulturang Pilipino at sa Saligang Batas.
“Sa substitute bill, tinanggal na po na ang CSE ay ‘guided by international standards’ na nakasaad sa orihinal na bersyon — para hindi na mabaluktot ng iba ang ibig sabihin nito. Gusto natin na maging mas malinaw na ang anumang ituturo sa ating kabataan ay sang-ayon sa kultura at konteksto nating mga Pilipino,” paliwanag ni Hontiveros.
Bukod dito, nagdagdag ng mga probisyon na nagsisiguro sa kalayaan sa akademya at relihiyon. Isinama rin ang mga organisasyong magulang at guro bilang bahagi ng implementasyon. Nakabatay na rin ang access sa contraceptives sa mga batas ukol sa edad ng statutory consent.
Mariing kinondena ni Hontiveros ang kampanya ng disinformation laban sa panukalang batas, partikular na ang maling impormasyon na nagsasabing ang CSE ay ituturo sa mga batang edad apat na taon pababa. “Sa simula pa lang, malinaw na ang inalmahan naman natin ay ang fake news. Ang disinformation. Ang lantarang pagsisinungaling,” ani niya. “Nilinaw narin natin na ang CSE ay para lamang sa mga adolescents o mga batang edad 10 years old pataas.”
Ipinaliwanag ni Hontiveros na ang CSE ay isa lamang sa mga hakbangin sa ilalim ng panukalang batas upang maiwasan ang maagang pagbubuntis. “Ang maayos na implementasyon ng CSE ay tried and tested na epektibong paraan sa pagpapababa ng teen pregnancy,” dagdag niya.
Inaasahan ni Hontiveros na ang bagong bersyon ng panukalang batas ay magbibigay-linaw sa mga isyu at hikayatin ang pagkakaisa sa Senado. “This substitute bill also now includes a clear provision guaranteeing academic and religious freedom. This also includes provisions from the Senate President himself. I hope this allays valid and genuine fears. I hope this helps bring us senators together to finally pass a Prevention of Adolescent Pregnancy Bill our country so desperately needs,” pahayag niya.
Sa kasalukuyan, ang substitute bill ay nasa plenaryo na at naghihintay ng karagdagang interpelasyon at mga amyenda. Hinikayat ni Hontiveros ang kanyang mga kasamahan at ang publiko na suriin ang panukala upang magkaroon ng mas malawak na pagkakaunawaan sa layunin nito. “This is why it is important for us to find a common ground, so we can pass this urgent and important piece of legislation,” pagtatapos niya.
Ang substitute bill ay naglalayong mag-iwan ng makabuluhang pamana para sa kabataang Pilipino at kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng isang naaangkop at sensitibong solusyon, hangad ng panukalang batas na masugpo ang krisis sa maagang pagbubuntis at matulungan ang mga kabataang Pilipino na magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan.