Barako

Barakong Pinoy pinatikim ng PH Embassy sa mga bisita sa Washington DC

74 Views

Barako1Barako2Barako3Live1

WASHINGTON, D.C. — Binuhay ng Embahada ng Pilipinas ang diwa ng kulturang Pinoy sa mga bisita sa Amerika matapos ipatikim ang ipinagmamalaking kape ng bansa sa isang espesyal na coffee tasting event.

Katuwang ng embahada ang dalawang Filipino-owned businesses sa US na Teofilo Coffee Company at Fila Manila sa pagtitipon na ginanap noong Nobyembre 18, 2026.

Hindi lang basta kape ang inihain—ipinakilala rito ang apat na pangunahing uri ng kape na itinatanim sa Pilipinas: Arabica, Excelsa, Robusta, at Liberica na mas kilala natin bilang Barako.

Bukod sa tradisyunal na mainit na kape, pinagkaguluhan din ng mga bisita ang nakakapreskong cold brew na may kakaibang Pinoy twist—may pagpipiliang ube, mangga, at calamansi foam sa ibabaw.

Para naman sa mga naghahanap ng kakaibang tama, naghain din sila ng Filipino coffee stout beer na nagpatunay na pwedeng-pwede ring ihalo ang kape ng Pinoy sa ibang inumin.

Ayon kay Philippine Embassy Deputy Chief of Mission Felipe Cariño III, napapanahon ang event bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.

Nagbigay naman ng briefing tungkol sa industriya ng kape sa bansa si Philippine Agricultural Attaché Lupino Lazaro.

Sinabi ni Ronald Dizon, founder at CEO ng Teofilo Coffee, kung paano nagsimula ang kanilang kumpanya sa US West Coast hanggang sa makilala sa merkado ng Amerika.

Ang nasabing proyekto ay suportado ng Department of Foreign Affairs-Office of Economic and Cultural Diplomacy upang mas maipakilala pa ang mga de-kalidad na produktong Pinoy sa buong mundo