MPBL Sen. Pacquiao at iba pang MPBL officials.

Batangas, Sarangani nakauna sa MPBL

Robert Andaya Apr 26, 2022
468 Views

BAHAGYA lamang pinag-pawisan ang Batangas City-Embassy Chill bago pataubin ang Imus Bandera, 76-56, habang
dumaan sa butas ng karayom ang Sarangani Marlins para maungusan ang Valenzuela, 77-73, sa pagbubukas ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Season 4 sa Batangas City Coliseum.

Pinangunahan nina Levi Hernandez, na nahirang na “Best Player of the Game”, at Juneric Baloria ang atake ng Batangas matapos parehong umiskor ng tig 15 puntos.

Walong iba pang players ang umiskor para sa koponan ni coach Cholo Villanueva, na lumamang pa ng 22 puntos, 65-43.

Nagpasikat din si Mark Justin Dela Virgen, na may 10 puntos at seven rebounds para sa Batangas, na nagwagi sa kabila ng hindi paglalalaro ng mga beteranong sina Jheckster Apinan, Cedric Ablaza at Rudy Linganay.

Ang mga homegrown players na sina Ian Melencio at Jacob Galicia ang namuno para sa Imus sa kanilang tig 14 puntos.

Samantala, sumandal ang Sarangani Marlins sa mahusay na paglalaro nina Yvan Ludovice at Krystoffe Jimenez upang biguin ang Valenzuela.

Ang 5-8 na si Ludovice at gumawa ng 24 puntos, four rebounds at four assists habang nag-ambag si Jimenez ng 22 puntos, seven rebounds at four assists para sa team ni Coach John Kallos.

Si Paul Sanga ay may 11 puntos.

Ang Valenzuela team ni coach Aldrin Morante ay nakakuha ng 15 puntos mula kay Jaymar Gimpayan, 12 mula kY Jess Quilatan, 11 mula kay Brylle Ivan Meca at 10 mula naman kay Patrick Cabahug.

Naging makulay ang ginawang opening ceremony, na kung saan dumalo si MPBL founder at chairman Sen. Manny Pacquiao

Kasama ni Sen. Pacquiao sa opening ceremony si MPBL commissioner Kenneth Duremdes at mga officials at muses ng mga kalahok na teams.

Itutuloy ang mga laro ng MPBL sa Mayo 2, na kung saan maghaharap ang Bacolod at San Juan at Nueva Ecija at Pasig.

Mapapanood ang mga laro sa One PH Cignal TV at Facebook live.