Bato pinagawa lahat ng paraan vs iligal na droga

86 Views

Sa kanyang kinasasakupan

IBINUNYAG ng kontrobersyal na pulis na si Lt. Col. Jovie Espenido ngayong Miyerkules sa quad committee ng Kamara de Representantes na inutusan siya ni Sen. Bato Dela Rosa na gawin ang lahat, kasama ang pagpatay, para mabura ang iligal na droga sa kanyang hurisdiksyon nang ipatupad ng administrasyong Duterte ang war on drugs nito.

Sa pagtatanong ni Manila Rep. Joel Chua, sinabi ni Espenido na noong umupo siya bilang hepe ng pulisya sa Albuera, Leyte, tinawagan siya ng noon ay PNP Chief Dela Rosa at inatasan na buwagin ang operasyon ng iligal na droga sa kaniyang nasasakupan.

“Ang instruction lang na tulungan mo ako Jovie, at saka si President Duterte, about this war against illegal drugs, so dapat galingan mo ah, ikaw ang i-assign ko as chief of police ng Albuera, so dapat mawala na ‘yung mga drugs sa Albuera.’ So your honors, ‘yun ang natandaan ko,” ani Espenido.

Sabi niya para sa mga kapulisan malinaw ang utos dahil gumamit ng mga salita at termino na lengguwahe ng mga pulis.

“Your honor, Mr. Chair, isa lang ang general word na ibigay, lahat alam na namin ang isang meaning din. Pag sabi na mawala, kasali na ‘yong mamatay, that is very, very obvious of us…,” saad pa ni Espenido.

Pinalinaw din ni Chua ang sagot ni Espinido kaugnay ng pagpatay sa mga drug personalities. “Pag sinabi po sa inyo na mawala, kasali na ‘yung mamatay, tao po?”

Sagot ni Espenido, “By all means your honor, exactly.”

Humingi naman si Espenido ng executive session upang detalyadong maibahagi ang naging paguusap nila ni Dela Rosa noong kaniyang termino bilang chief of police ng Albuera, dahil sa sensitibong mga impormasyon.

Ayon pa kay Espenido, nagawa niyang mabuwag ang sindikato ni Kerwin Espinosa pero siya pa ang pinatawan ng isang buwang suspensyon at inakusahang tumanggap ng pera kapalit ng pagbibigay ng proteksyon sa bentahan ng iligal na droga.

Giit ni Espenido, wala itong katotohanan at kaya siya pinarusahan ay dahil tao nila si Espinosa.

Kalaunan itinalaga siyang hepe ng pulisya sa Ozamiz City sa paniwala umano ng kanyang mga opisyal na hindi ito magtatagal doon.

Inusisa naman ni Misamis Occidental Sancho Fernando “Ando” Oaminal kung ano ang pagkaintindi niya sa kaniyang naging assignment sa Ozamiz City.

“Your honor, Mr. Chair, dalawa lang ang intindi ko. Number one, nang mag-instruction sila, para ako madale, kasi galit sila na na-disband ko si Kerwin Espinosa. Why I say this? Si Kerwin Espinosa tao nila. Magsabi ako na tao nila kasi hindi binigay sa akin when in fact your honor, Mr. Chair, finile-an ako ng complaint ni Kerwin Espinosa sa Ombudsman samantalang si Kerwin, hinawakan na ang AIDG,” pagbabahagi ni Espenido.

“Kasi nakita nila na-disband si Kerwin Espinosa, na tao nila, ilagay natin si Espenido sa Ozamiz para mamatay. Siguro ang pagiisip nila your honor, Mr. Chair, na nag-underestimate kay Espenido kasi si Espenido, only a lateral (entry), wala akong schooling ng special course,” dagdag niya

“Wala akong schooling, simple lang si Espenido, Grade 1 Section 10 lang pero ang pag-underestimate nila, na-accomplish ko ‘yung Espinosa drug groups, galit na naman sila.”