Vape Source: Win Gatchalian FB post

Bawas buwis sa vape, tabako may pagtutol sa Senado

17 Views

MULING iginiit ni Senadora Pia S. Cayetano ang kanyang matatag na paninindigan para sa kalusugan ng publiko, kasunod ng kanyang mariing pagtutol sa House Bill No. 11360—isang panukalang batas na layong bawasan ang dagdag na buwis sa mga produktong tabako, vape, at heated tobacco products (HTPs).

“Public health must never take a backseat to industry profits,” aniya, kung saan ay binibigyang-diin niya ang mas mataas na halaga ng kalusugan kaysa tubo.

Bilang isa sa mga pangunahing tagapagsulong ng reporma sa buwis sa sigarilyo, ipinaalala ni Cayetano na layunin ng sin tax ang pigilan ang paggamit ng mapaminsalang produkto, lalo na sa hanay ng kabataan.

Sa ilalim ng Sin Tax Reform Act of 2020 na kanyang isinulong, itinaas ang buwis sa vape at HTPs kasabay ng mga regulasyong naglalayong protektahan ang kabataang Pilipino.

Gayunpaman, sinabi niyang ang mga patakarang ito ay nabura ng ipinasang Vape Law, na aniya’y naging daan sa tinatawag niyang “vapedemic.”

Batay sa datos ng Food and Nutrition Research Institute mula sa 2023 National Nutrition Survey, sumirit ang bilang ng mga kabataang gumagamit ng vape mula 3.2% noong 2018–2019 tungong 39.9% sa taong 2023.

“We should not repeat the mistakes of the Vape Law, which stripped away critical regulatory protections established under the Sin Tax Reform Act. We must not allow history to repeat itself,” mariing paalala ng senadora.

Hindi lamang kalusugan ang nakasalalay, ayon kay Cayetano, kundi maging ang kakayahan ng pamahalaan na pondohan ang mga serbisyong pangkalusugan. Ipinunto niyang ang Universal Health Care program ay umaasa sa kita mula sa sin tax, kaya’t ang pagbabawas sa buwis ay lalong magpapalala sa gastusin dulot ng mga produktong ito.

“Reducing taxes clearly does not address the health costs of these sin products, but even adds to them. It also undermines the government’s ability to fund essential health services, including the Universal Health Care program, which heavily relies on sin tax revenues,” dagdag niya.

Samantala, sinang-ayunan ni Senador Sherwin Gatchalian, tagapangulo ng Senate Ways and Means Committee, ang mga pangamba ni Cayetano.

Binigyang-linaw ni Gatchalian na hindi solusyon sa isyu ng smuggling o iligal na kalakalan ang pagbaba ng buwis.

Bilang pagtatapos, nanawagan si Cayetano para sa patuloy na pagbabalangkas ng mga patakarang inuuna ang kaligtasan at kinabukasan ng sambayanang Pilipino, lalo na ng kabataan.

“We must stay the course and craft policies that will truly prioritize the safety, well-being, and future of every Filipino, especially the youth,” aniya.