BBM-Sara

BBM-Sara inendorso ng malaking koalisyon ng kooperatiba

223 Views

INENDORSO ng isang malaking koalisyon ng mga kooperatiba sina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte.

Ang pag-endorso ng National Coalition of Cooperatives in the Philippines ay ipinahayag ng chairperson nito na si Freddie Hernandez.

Ayon kay Duterte ang pag-endorso ng koalisyon ng kooperatiba ay isang malaking tulong upang magawa ang mithiin ng UniTeam na mapag-isa ang mga Pilipino para agad na makamit ang inaasam na pag-unlad.

Binigyan-diin ni Duterte ang kahalagahan ng mga kooperatiba sa pag-unlad ng bansa.

“Ang ating mga kooperatiba ay kasama ng ating pamahalaan sa pagbibigay ng oportunidad sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs na isa sa mga haligi ng ating ekonomiya,” sabi ni Duterte.

Ang mga kooperatiba umano ay malaking tulong upang matugunan ang pangangailangan ng iba’t ibang komunidad.

“Higit sa lahat, mahalaga ang tulong ng mga kooperatiba sa pagbuo ng mapayapang lipunan. Sa proseso ng pagbabago ng mga komunidad tungo sa masiglang ekonomiya, kayo ay nag-aambag sa pagpapaunlad ng kasanayan at edukasyon, pinalalakas nila ang pagkakapantay-pantay ng kasarian at pinapabuti ang kalusugan at pamumuhay ng buong komunidad,” sabi ni Duterte.

Kapag nanalo, sinabi ni Duterte na gagawa ito ng hakbang upang mapalakas ang mga kooperatiba at mas maraming matulungan ang mga ito.

“Asahan po ninyo na mas pagtitibayin pa natin ang mga batas at mga programa na magpapalakas sa inyong mga kooperatiba upang mas marami pa tayong buhay na maiangat sa kahirapan. Pagsusumikapan po ng UniTeam na ang inyong suporta at pagtitiwala ay masuklian ng taus-pusong paglilingkod at serbisyo sa ating bayan,” dagdag pa ni Duterte.