Calendar

Bersamin: PBBM matatag sa pagharap sa mga isyo
IPINAKITA umano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang mga pangunahing katangian bilang lider sa kanyang kautusan kamakailan na magsumite ng courtesy resignation ang lahat ng miyembro ng Gabinete at mga pinuno ng ahensya.
Ayon kay Executive Secretary at dating Punong Mahistrado Lucas P. Bersamin, ang malawakang pagsusuri sa performance ng mga opisyal ay nagpapakita ng pagiging matatag ng Pangulo sa pagharap sa mga isyu, gayundin ang kanyang pakikiramdam sa sentimyento ng publiko.
“Matiyaga ang Pangulo… Ipinapakita niya ang kanyang tunay na pagkatao, at iyon ang dapat asahan natin sa kanya,” ani Bersamin sa isang press briefing kung saan inanunsyo ang ikalawang batch ng mga courtesy resignation na tinanggap ng Pangulo.
“Napakapasyang tao ng Pangulo, masasabi ko iyan. Nakatuon siya sa kanyang mga layunin. At base sa halos tatlong taon kong pakikipagtrabaho sa kanya, hindi siya umaatras sa kahit anong kontrobersiya. Hinaharap niya ang isyu, hindi ang tao,” dagdag pa ng dating Chief Justice.
Aminado rin si Bersamin na ang pagsusuri sa performance ay bunga ng resulta ng midterm elections noong Mayo 12. Aniya, sensitibo ang Pangulo sa pangangailangan at inaasahan ng publiko, at nais niyang mapabuti ang serbisyo ng mga opisyal para sa bayan.
“Ito ang kanyang tugon sa mga obserbasyon niya noong eleksyon — na kailangan nating galingan pa. Kaya’t isinasagawa niya ang performance check sa aming lahat sa Gabinete, pati na rin sa mga pinuno ng mga ahensya at opisina,” diin ni Bersamin.