Gomez

Beteranong corp comm executive Dave Gomez bagong hepe ng PCO

307 Views

ITINALAGA si Dave Gomez, isang beteranong executive sa larangan ng corporate communications at may karanasan sa pamamahayag, bilang bagong pinuno ng Presidential Communications Office (PCO) ng administrasyong Marcos.

Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Huwebes, inanunsyo ni Palace Press Officer Claire Castro na itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Gomez bilang Kalihim ng PCO.

Si Gomez ay nagsilbing communications director ng PMFTC Inc., ang Philippine affiliate ng Philip Morris International (PMI), sa loob ng mahigit dalawang dekada.

Nagsimula siya bilang mamamahayag para sa The Philippine Star. Nagsilbi rin siya bilang Director-General ng Philippine Information Agency.

“Aasahan natin kay Kalihim Dave ang malinaw at tapat na komunikasyon ng pamahalaan para sa bawat Pilipino,” ani Castro.

Papalitan ni Gomez si Jay Ruiz bilang hepe ng PCO, at siya ang ikalimang uupong kalihim ng ahensyang ito sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Castro, si Ruiz ay itatalaga bilang isa sa mga miyembro ng board of directors ng Manila Economic and Cultural Office (MECO).

Kaugnay nito, ang MECO ay kasalukuyang pinamumunuan ni Cheloy Garafil, na nagsilbi ring PCO Secretary mula Oktubre 2022 hanggang Setyembre 2024.

Ipinahayag din ni Castro ang pagtatalaga kay Sharon Garin bilang Kalihim ng Department of Energy (DOE).

Nagsilbi si Garin bilang officer-in-charge ng DOE matapos italaga si dating Kalihim Raphael Lotilla sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Philippine News Agency