Calendar

Bgy, SK extension bill lusot na sa plenaryo, papunta na sa Senado
PINABULAANAN ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi pa umano nito naaaprubahan ang panukalang batas na magtatakda ng mas mahabang termino para sa mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Ayon sa tagapagsalita ng Kamara, naipasa na ito sa ikatlo at pinal na pagbasa noong Lunes.
“On the barangay and SK elections, nakita ko din ‘yung press conference ni Senate President Chiz Escudero and unfortunately, mukhang misinformed si Senate President,” ani House
spokesperson Atty. Princess T. Abante bilang tugon sa tanong ng isang mamamahayag.
Aniya, ang panukalang batas ay nakalusot na sa plenaryo at ipapadala na sa Senado para sa susunod na hakbang.
“And kaya rin naman ako nandito para siguraduhin na ma-tama natin ang mga fake news at mga misinformation,” dagdag ni Abante.
Layon ng Barangay Term Bill na amyendahan ang Local Government Code upang magtakda ng anim na taong fixed term para sa mga opisyal ng barangay at SK, at isa sa mga pangunahing panukalang batas na binigyang-diin sa productivity report ng Kamara kamakailan.
“Hindi totoo yung sinabi ni Senate President na hindi pa nakakapasa sa committee level ‘yung bill na inaayos ang term ng ating mga barangay officials,” paglilinaw ni Abante.
Binanggit pa ng opisyal ng Kamara na maging mga kaanak ni Senate President Escudero ay bumoto pabor sa pagpasa ng panukala.
“In fact, kagabi ay naipasa na ito on third reading including the sister of Senate President na pinasa ito,” aniya.
Binigyang-diin ni Abante na natapos na ng Kamara ang bahagi nito at sasalang na ang panukala sa deliberasyon ng bicameral conference committee.
“Matra-transmit na rin siya for the bicameral conference as well,” sabi niya.
“And again, ready ang House of Representatives para ayusin, pagdebatehan at ma-ratify lahat ng mga pending na mga measures sa bicameral conferences natin,” dagdag pa ni Abante.