Calendar

BI: Mag-ingat sa mga human traffickers na nag-disguise na religious groups
NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko kaugnay sa bagong modus ng human trafficking kung saan ginagamit ang relihiyon upang makaiwas sa mga awtoridad.
Ayon sa BI, may mga biktima ngayon na pinagpapanggap bilang mga misyonero sa mga umano’y church trips.
Ibinunyag ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang insidente ng pagharang ng kanilang mga tauhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Abril 1 kung saan tatlong indibidwal ang nagkunwaring miyembro ng isang simbahan na patungong Thailand para sa isang misyon.
Ayon sa ulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), isang babae na sinasabing recruiter at dalawa pang biktima na may edad 23 at 25 nahuling sumakay sa Scoot Airlines papuntang Singapore na may connecting flight patungong Thailand.
Una nang iginiit ng grupo na mga full-time volunteers sila ng simbahan para sa isang misyon.
Pero ng mapansin ng mga immigration officer ang ilang pagdududa sa kanilang mga dokumento, isinailalim sila sa masusing imbestigasyon.
Dito inamin ng dalawang babae na lisensyadong guro sila at hindi tunay na bahagi ng anumang religious group.
Kinumpirma nilang ni-recruit sila ng babaeng kasama nila na nagpakilalang tagapagtatag at pastor ng kanilang simbahan para magtrabaho sa isang paaralan sa Thailand kahit wala pa silang kasiguraduhan sa trabaho.
Nadiskubre rin ng mga opisyal na ang nasabing recruiter dati nang bumiyahe patungong Thailand kasama ang ibang indibidwal na inangking miyembro rin ng simbahan ngunit hindi na bumalik ng Pilipinas.
“This case echoes the ‘Bitbit’ scheme,” sabi ni Viado.
Ang mga biktima ini-refer sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang tulong at proteksyon.
Matatandaang noong 2011, anim na Pilipina na patungong Lebanon ang nagpanggap na madre para makalabas ng bansa at kalauna’y umaming magtatrabaho ng ilegal doon.
Pinuri ni Commissioner Viado ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkakahuli ng recruiter noong Abril 3 matapos matukoy ng Department of Migrant Workers (DMW) na wala itong lisensya para mag-recruit ng overseas workers.