Calendar

BI tinimbog 2 South Koreans dahil sa illegal gambling
INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) noong Marso 3 ang dalawang umano’y puganteng South Korean na wanted dahil sa pagnanakaw at ilegal na pagsusugal.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, naaresto ang dalawa sa operasyon ng Fugitive Search Unit (FSU) sa Cebu at Parañaque.
Hiniling ng gobyerno ng South Korea ang tulong ng BI sa paghahanap at deportasyon ng dalawang suspek na parehong may red notice mula sa Interpol, ayon sa hepe ng BI.
Sa Brgy. Talamban, Cebu City inaresto si Sim Sooryong, 38.
Nahaharap siya sa kasong pagnanakaw matapos umanong makipagsabwatan sa isang kasamahan upang atakihin ang kanilang biktima gamit ang palakol at pilitin itong maglipat ng 25 milyong won sa kanilang bank account.
Samantala, sa Dr. A. Santos Avenue, San Dionisio, Parañaque City nadakip si Kim Kwanghyun, 40.
May nakabinbing arrest warrant laban sa kanya galing sa Gwangju District Court dahil sa pagpapatakbo ng ilegal online gambling sites.
Nagsimula umano ito noong 2015 at kumita na ng mahigit 16 bilyong won mula sa sports betting.
Natuklasan din ng BI na parehong overstaying ang dalawang Koreano. Huling dumating si Sim sa bansa noong Pebrero 3, 2019 habang si Kim noong Enero 28, 2018.
Nakakulong ang dalawa sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inaantay ang kanilang deportation order.