Jil Bongalon

Bidding ng P8B laptop sa ilalim ni VP Sara ikinabahala

113 Views

IBINUNYAG ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon ang umano’y ‘sabwatan’ sa bidding ng P8-bilyong halaga ng mga laptop at iba pang gamit sa pag-aaral ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang inihayag ni Bongalon sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kaugnay ng P793.18-bilyong panukalang budget ng DepEd para sa susunod na taon.

Sa pagdinig, binanggit ni Bongalon, vice chairman ng House Committee on Appropriations, kay Education Sec. Juan Edgardo Angara ang nakababahalang isyu ng pagbili ng mga laptops at kagamitan para sa mga pampublikong paaralan noong 2022 at 2023.

Ang problemang ito ay kabilang sa mga problemang minana ni Angara na pumalit sa Bise Presidente.

Ang responsibilidad ng pagsagot sa katanungan ng mambabatas ay napunta kay Undersecretary for Procurement Gerard Chan, na pumalit kina dating Undersecretaries Michael Poa at Gloria Mercado.

Si Poa ay ang kasalukuyang spokesperson ni Duterte sa Office of the Vice President, habang si Mercado naman ay nag-avail ng maagang pagreretiro.

“Nagkaroon ng first bidding at rebidding, pero the same bidders ang participants,” ayon pa sa kinatawan ng Ako Bicol Party-list.

Sinabi ni Bongalon na sa unang bidding ang pinakamababang bid ay 24 porsyentong mas mababa sa itinakdang presyo ng ahensya kaya makatitipid ang gobyerno ng P1.6 bilyon.

“Dun sa second bidding participated in by the same bidders, naging one percent na lang ang variance. Ibig sabihin, tumaas ang presyo,” saad pa niya.

“Kasi nagkaroon na po ng bidding. Ang hindi ko po maintindihan, bakit hindi natin tinuloy? Sayang po ng P1.6 billion na mase-save po ng ating gobyerno. Sabihin na lamang natin na ang laptop is worth P100,000, ilang laptops na po ang mabibili nun?” ayon pa sa mambabayas.

“So I want answers, Madam Chair, from the Department of Education kung sino po ang mga personalidad during that time.”

Binigyang-diin niya na sana ay nakabili pa ang DepEd ng karagdagang mga laptop gamit ang P1.6 bilyon na matitipid kung natuloy ang unang bidding.

Ikinatwiran naman ni Chan na nabigo ang unang bidding dahil sa sa kulang ang mga isinumiteng dokumento ng mga bidder.

Tungkol sa pagkakaiba sa presyo, sinabi ni Chan na kung nakumpleto ng mga kalahok sa bidding ang kanilang mga dokumento, ay maaaring nagbago rin ang kanilang mga presyo.

Nangako si Chan na isusumite ang lahat ng dokumento na may kaugnayan sa procurement ng P8-bilyong halaga ng mga laptop.

Tiniyak rin ng kinatawan ng Ako Bicol na sa tamang panahon, ay paiimbestigahan niya ang iregularidad na ito upang mapanagot ang mga responsabl