Sorsogon

Binuksang Sorsogon Sports Arena kasya 12,00 katao

Chona Yu Oct 17, 2024
106 Views

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbubukas ng Sorsogon Sports Arena.

Isinabay ang inagurasyon ng arena sa ika-130 anibersaryo ng probinsya at ika-50 selebrasyon ng Kasanggayahan Festival.

Aabot sa 12,000 katao ang kayang i-accommodate ng arena at maaring magsilbing National Training Camp para sa mga atletang Filipino na maaring maging mga Olympians.

Ayon kay Pangulong Marcos, bukod sa pagiging sports training facility, maari ring gamitin ang arena sa mga conferences, summits, concerts, at iba pang kompetisyon.

“Bago ang lahat, nais ko munang batiin ang lahat ng mga Sorsoganon sa inyong ika-130 anibersaryo ng [pagkakatatag] ng inyong lalawigan at sa 50 Kasanggayahan Festival.

Sa araw na ito, muli tayong nagsama-sama upang pasinayaan ang Sorsogon Sports Arena na ipinagmamalaki ng buong Bicol Region ngayon,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Sa pagtataya, kaya ng arena na ito na maiupo ang aabot sa 12,000 katao. [Maaari] rin itong gamitin bilang National Training Camp ng mga atletang Pilipino…Ito po ay isang mahalagang hakbang upang maitaguyod natin ang ating mga kababayan na may angking galing sa larangan ng palakasan. Sa tulong nito, mabibigyan sila ng pagkakataon upang mahasa pa ang kanilang mga talento. Harinawa ay maidadagdag pa natin sila sa hanay ng ating Olympians at atletang Pilipino,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Simbolo rin aniya ang arena ng development sa mga Bicolano.

“Kaya hindi natin maikakailang simbolo ng progreso ang Sorsogon Sports Arena. [Sumasalamin] ito sa patuloy na pagsisikap, pagtitiyaga, at pag-unlad ng mga Sorsoganon at mga Bikolano,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Hinikayat pa ni Pangulong Marcos ang publiko na suportahan ang Bagong Pilipinas.

“Kaya naman umaasa ako sa suporta ng mga Pilipino. Sa tulong ninyo, alam kong makakamit natin ang mga hangarin para sa ikauunlad ng bansa,” pahayag ni Pangulong Marcos.