Droga

BOC-NAIA naharang P6.8M iligal na droga

103 Views

DrogaNAHARANG ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang tinatayang P6.8 milyong halaga ng iligal na driga na tinangkang ipuslit sa bansa.

Ang parcel ay tinangka umanong ipasok sa bansa sa pamamagitan ng Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City noong Setyembre 12, 2024.

Sa isinagawang physical examination ay nakuha ang kabuuang 4,877 gramo ng kush o high-grade marijuana at pitong cartridge ng vape na naglalaman ng cannabis oil mula sa apat na parcel.

Ang mga nakumpiskang iligal na droga ay ibinigay ng BOC sa pangangalaga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iniimbestigahan na ang consignee nito na maaaring maharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.

Muling iginiit ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang dedikasyon ng ahensya na maprotektahan ang bansa laban sa mga ipinupuslit na iligal na droga.

“Our resolve to prevent the entry of illegal drugs into the Philippines is stronger than ever. This operation highlights our unwavering commitment to safeguarding our communities,” ani Commissioner Rubio.

Nangako rin ang BOC-NAIA, na nasa ilalim ng pamamahala ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa, na magpapatuloy ang masusing pagbabantay ng ahensya sa border ng bansa upang maharang ang mga ipinupuslit na iligal na droga.