Rubio

BOC nalagpasan August target collection

168 Views

NALAGPASAN ng Bureau of Customs (BOC) ang target nitong makolekta sa buwan ng Agosto.

Ayon sa BOC nakakolekta ito ng P75.642 bilyon lagpas ng P3.367 bilyon sa target na P72.275 bilyon na itinakda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Mula Enero hanggang Agosto 2023 ay umabot na sa kabuuang P582.133 bilyon ang nakolekta ng BOC lagpas ng P14.393 bilyon sa P567.740 bilyong target nito.

Mas malaki naman ito ng P23.678 bilyon kumpara sa nakolektang P558.455 bilyon sa unang walong buwan ng 2022.

Ang magandang performance ng BOC ay iniuugnay sa mga pagbabagong ipinatupad ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.

Nagpasalamat naman si Commissioner Rubio sa dedikasyon ng mga tauhan ng BOC na magampanan ang mandato ng ahensya.

“We will continue to monitor trade activities and implement measures to sustain this positive momentum in revenue collection, as part of the Bureau’s collaborative effort in further strengthening the nation’s financial standing,” sabi ni Commissioner Rubio.

Ang malaking nakolekta ng BOC ay nangangahulugan na may pondong magagamit ang gobyerno sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto nito na para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Sa ilalim ni Commissioner Rubio ay nakapagsagawa ang BOC ng 687 anti-smuggling operations na nagresulta sa pagkakarekober ngP31.118 bilyong halaga ng smuggled na produkto, ang pinakamalaki sa nakalipas na limang taon.

Ang BOC ay nakapagtala rin ng 87.10 porsyentong Trade Facilitation score sa 2023 United Nations Global Survey, ang ikalawang pinakamataas na iskor na naitala sa Southeast Asia.