Calendar
Buhay ng mga taong napatay dahil sa war-on-drugs hindi joke — Barbers
“𝗛INDI 𝗷𝗼𝗸𝗲 𝗼 𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝘁𝗮𝘁𝗮𝘄𝗮𝗻𝗮𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗯𝘂𝗵𝗮𝘆 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝘁𝗮𝗼𝗻𝗴 𝘄𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗮𝘄𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗽𝗮𝘁𝗮𝘆 𝗱𝗮𝗵𝗶𝗹 𝘀𝗮 𝘄𝗮𝗿-𝗼𝗻-𝗱𝗿𝘂𝗴𝘀 𝗰𝗮𝗺𝗽𝗮𝗶𝗴𝗻 𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗸𝗮𝗹𝗶𝗽𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝗮𝗱𝗺𝗶𝗻𝗶𝘀𝘁𝗿𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗗𝘂𝘁𝗲𝗿𝘁𝗲”.
Ito ang pagbibigay diin ng chairman ng Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace S. Barbers kasunod ng pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na “joke lamang” ang mga sinabi nito noon tungkol sa pagpatay nito sa mga hinihinalang drug addict at drug pushers.
Nauna dito, hinamon ng ilang kongresista si Duterte na patunayan nito na isang joke lang ang mga naging pagbabanta nito noon na kaniyang papatayin ang mga drug lords, drug pushers at drug users sa ilalim ng kaniyang war-on-drugs campaign.
Dahil dito, iginiit ni Barbers na para sa dating Pangulo. Itinuturing lamang aniya nito na isang malaking “joke” ang mga naganap na pagpatay sa libo-libong sibilyan na pinaghihinalaang sangkot sa illegal drugs na ikinakabit naman sa kaniyang administrasyon.
“Puwede mo bang ikatuwiran ngayon duon sa mga naulilang pamilya na joke lang ang mga sinabi kong papatayin ko ang mga drug users at drug pushers. Joke ba ang pagsasabi na papatayin kita o papatayin ko kayo? Ayan may namatay na. So joke ba iyan? Ang tanong eh isa bang joke o katatawanan ang buhay ng isang tao,” wika ni Barbers.
Kasabay nito, muling binigyang diin ni Barbers na hindi isang “political persecution” ang pagsisiyasat ng Quad Committee patungkol sa mga mahahalagang issue na tinatalakay ng Komite gaya ng Extra-Judicial Killings (EJK), war-on-drugs campaign at illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon sa kongresista, ito ay taliwas sa pahayag ng kampo ng dating Pangulo na isang “demolition job” lamang ang pag-uugnay ng dalawang saksi kay Duterte hinggil sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng kulungan sa Davao City noong 2016.
Muling ipinaalala ni Barbers sa dating Pangulo na madalas aniya nitong ibulalas sa kaniyang mga talumpati ang ilang mga pagbabanta laban sa mga taong sangkot sa ipinagbabawal na gamot gaya ng mga pananalitang tulad nito: “Papatayin kita. Ihuhulog kita sa helicopter” na sinasamahan pa umano nito ng mga malulutong na pagmumura.
Pagdidiin ni Barbers na hindi maaaring isantabi ang mga naging testimonya nina Leopoldo “Tata” Tan, Jr. at Fernando “Andy” Magdadaro na nagsasangkot kay Duterte sa pagpatay sa nasabing tatlong Chinese drug lords.