Pasay Source: Pasay City police

Bulilyasong carnap dahilan ng road rage sa Pasay — pulisya

Edd Reyes Sep 24, 2024
106 Views

BULILYASONG carnap ang ugat ng barilan sa pagitan ng mga Chinese ang naganap sa Roxas Boulevard at Gil Puyat Avenue noong Sabado sa Pasay City, ayon kay Pasay police chief P/Col. Samuel Pabonita.

Lumabas sa imbestigasyon na tinangay ni alyas Lin, 34, ang kotseng BMW matapos magkunwaring buyer noong Setyembre 9 at pinalitan ang kulay at plate number.

Natunton sa tulong ng global positioning system (GPS) ng may-ari na si alyas Xiaolei, 40, at driver-security niyang Pinoy na si alyas Redentor, 39, ang BMW at nasundan at binundol sa likod para huminto sa kanto ng Roxas Blvd, at Gil Puyat Ave.

Huminto sa hindi kalayuan ang BMW subalit nang bumaba ng sinasakyang Honda Odyssey si Xiaolei upang komprontahin ang driver, sinalubong siya ng mga putok ng baril kaya gumanti ng putok si Redentor.

Nagkataong nasa lugar ang mga tauhan ng Pasay police kaya’t nadakip ang mag-among sina Xiaolei at Redentor pati na si Wang subalit nakatakas si Lin matapos tangayin ang pinara niyang e-bike at tutukan ng baril ang driver nito.

Nang maglabas ng flash alarm ang Pasay police laban kay Lin, nadakip siya ng mga Paranaque police sa Brgy. Tambo.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, kahit iba ang kulay at plate number ng BMW, nagtugma ang chassis at engine number nito sa rehistrong hawak ng may-ari.

Sinabi pa ni Rosete na gumagamit ng iba’t-ibang alyas si Lin kabilang ang alias Hu at Guan at nadakip na noong Hulyo 24, 2022 sa mga kasong kidnapping at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition).

Ang mga nadakip nasampahan na ng patung-patong na kaso sa Pasay City Prosecutor’s Office.