Zamboanga Quake

CAAP: Zambo quake walang epek sa mga airports

Jun I Legaspi Jan 23, 2025
16 Views

WALANG malalang pinsala na naitala sa mga paliparan sa Zamboanga Peninsula matapos ang 6.1 magnitude na lindol sa Siocon, Zamboanga del Norte noong Enero 23, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Bilang bahagi ng mga panseguridad na hakbang, pansamantalang sinuspinde ng Zamboanga International Airport (ZIA) ang mga landing at takeoff operation pagkatapos ng lindol.

Layunin nito na matiyak na ligtas at matatag ang mga pasilidad ng paliparan bago ipagpatuloy ang normal na operasyon.

Inilikas din ang mga tauhan, stakeholders at mga pasahero sa mga itinalagang ligtas na lugar sa labas ng terminal building, ayon sa CAAP.

Pero kahit walang malaking pinsala sa mga pasilidad ng ZIA, nakita ang mga bitak sa ilang bahagi ng dingding at kisame ng passenger terminal building.

Agad nang sinimulan ang pag-aayos ng mga bitak upang matiyak ang kaligtasan at maibalik ang normal na operasyon ng terminal.

Samantala, nananatiling operational ang Pagadian Airport, Dipolog Airport at Ipil Airport at walang naitalang pinsala sa mga ito.

Muling tiniyak ng CAAP na ang kaligtasan ng mga pasahero, tauhan at stakeholders ang pangunahing prayoridad nito.