Martin5 ISIP — Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama sina Finance Secretary Ralph Recto, Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Ryan Christian Recto at Lipa City Mayor Eric Africa, ay namahagi ng tulong mula sa Integrated Scholarship and Incentives Program (ISIP) para sa 3,000 estudyante, Sabado ng umaga sa Lipa Academy of Sports, Culture and Arts, Lipa City, Batangas. Naroon din ang 143 district at party-list miyembro ng Kamara at iba pang opsiyal ng gobyerno. Kuha ni VER NOVENO

CARD, ISIP, SIBOL nagbiyaya ng bigas, cash aid sa 9K Batangueños

Mar Rodriguez Aug 24, 2024
92 Views

Martin4Martin6UMABOT sa 9,000 residente ng Batangas ang nakatanggap ng bigas at cash aid mula sa tatlong programa ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga nangangailangang Pilipino na hindi kasali sa mga naunang social amelioration program ng pamahalaan.

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang distribution ceremony para sa Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program, Integrated Scholarship and Incentives Program for the Youth (ISIP), at Start-Up, Investments, Business Opportunities and Livelihood (SIBOL) Program sa Batangas noong Sabado.

Ang mga programang ito ay binuo alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ilapit sa mamamayan ang tulong na ibinibigay ng gobyerno.

Katuwang ang Kamara de Representantes, humahanap ito ng paraan para matulungan ang mga bulnerableng sektor gaya ng mahihirap na senior citizens, persons with disabilities (PWD), single parents, indigenous people at mga katulad nito.

“Sabi nga po ni Pangulong Marcos, no one should be left behind. Kaya itong mga programang ito ay ipinapatupad natin para maabot ang lahat ng kababayan nating nangangailangan ng tulong.

Hindi lang ‘yung mga mahihirap, pati ‘yung ating mga near-poor na nahihirapan sa araw-araw na gastos,” sabi ni Speaker Romualdez.

Para sa CARD program, kabuuang 3,000 benepisyaryo mula sa Batangas ang nakatanggap ng tig-P5,000 cash aid sa pamamagitan ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at 20 kilong bigas sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Lipa City Youth and Cultural Center ngayong Agosto 24.

Ang CARD, ayon kay Speaker Romualdez, ay makatutulong din upang labanan ang hoarding at price manipulation ng bigas.

Sa ilalim naman ng ISIP, kabuuang 3,000 estudyante ang binigyan ng tig-P5,000 tulong mula sa AKAP at dagdag na tig-5 kilong bigas. Ginawa ang pamimigay ng ayuda sa Lipa Academy of Sports, Culture and Arts (LASCA).

Ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng tig-P5,000 ayuda kada anim na buwan upang makatulong sa kanilang gastusin sa pag-aaral. Ang mga benepisyaryo na makapapasok sa Tulong Dunong Program (TDP) ng Commission on Higher Education (CHED) ay makakakuha rin ng P15,000 scholarship assistance kada taon.

Sila ay bibigyan din ng alokasyon sa Government Internship Program (GIP) matapos ang kanilang graduation. Kung walang trabaho ang kanilang mga magulang o guardian, ang mga ito ay sasama sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa ilalim ng SIBOL, tutulungan naman ang mga maliliit na negosyante upang mapalago ang kanilang negosyo.

Nasa 3,000 maliliit na negosyante ang binigyan ng tig-P5,000 cash aid at 5 kilong bigas. Ginanap ang pamamahagi ng ayuda sa Claro M. Recto Events Center.

“Lahat ng ito ay katuparan ng pagnanais ni Pangulong Marcos na matulungan ang lahat ng nangangailangan ng tulong. Pero ang mga ito ay mayroong malaking magandang resulta dahil kapag nakabangon ang mga kababayan natin ay tutulong na sila sa paglago ng ating ekonomiya,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.