Calendar

Cassandra Ong, 49 iba pa tinutugis na ng PNP; Harry Roque aarestuhin
TINUTUGIS na ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang kontrobersyal na si Cassandra Ong at 49 iba pa na kinasuhan ng human trafficking matapos maglabas ng warrant of arrest ang Angeles City Regional Trial Court.
Pinamumunuan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa ilalim ni Major General Nicolas D. Torre III ang malawakang manhunt laban sa mga akusado. Ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño, nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Bureau of Immigration at sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para masakote ang mga target.
Sa kaso naman ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, sinabi ng PNP na humihingi pa sila ng guidance sa mas mataas na opisina dahil nasa The Hague na ito sa kasalukuyan.
Kinumpirma ni Maj. Gen. Torre na ikinalat na ang mga tracker teams ng CIDG sa iba’t ibang panig ng bansa para arestuhin ang mga akusado na konektado sa raid sa Lucky South 99 Outsourcing Inc. sa Grand Palazzo Royals noong Hunyo 7, 2024.
Ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert DC Cruz, may arrest warrant na laban kina Roque, Ong at 50 iba pa na may kaugnayan sa operasyon ng Lucky South 99 — isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga na sinalakay ng pamahalaan.
Ang naturang arrest order ay nilagdaan ni Presiding Judge Rene Reyes ng Angeles City RTC Branch 118 at may petsang Mayo 8, 2025. Umabot sa 52 respondents ang sakop ng warrant. Kabilang sa mga kasong isinampa ay paglabag sa Section 4(l) kaugnay ng Section 6(c), at sampung bilang ng Section 4(j) kaugnay ng Sections 6(c) at 10(i) ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. Lahat ng ito ay non-bailable o walang piyansa.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), nakikipag-ugnayan na rin sila sa PAOCC at PNP para sa maayos at makataong implementasyon ng mga warrant.
“Law enforcement personnel have been instructed to carry out the arrests with professionalism, restraint, and adherence to human rights protocols. Individuals subject to the warrants will be secured during the operation to mitigate risks and ensure safety,” ani ng opisyal.
Pagkaraan ng pag-aresto, agad na dadalhin ang mga suspek sa mga itinakdang kulungan para sa booking procedures at iba pang legal na proseso, ayon pa sa DOJ.
Ibang usapan naman ang kaso ni Roque na nagsilbing tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Umalis ito ng bansa noong Setyembre 2024 matapos i-contempt sa pagbalewala sa mga pagdinig sa Kamara ukol sa operasyon ng mga POGO na umano’y ginagamit bilang front sa mga ilegal na aktibidad.
Noong Disyembre ng nakaraang taon, nagsumite siya ng counter-affidavit mula United Arab Emirates at mariing itinangging siya ang abogado ng Lucky South 99.
Nagbabala naman ang DOJ na haharangin nila ang anumang asylum application ni Roque kapag tuluyang naisapubliko ang warrant laban sa kanya. Ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty, kapag na-issue ang warrant, agad silang magre-request na maisama si Roque sa red notice ng International Criminal Police Organization o Interpol—ang parehong ahensya na nagpasa ng ICC warrant laban kay Duterte.
Samantala, hindi pa rin matunton ang kinaroroonan ni Ong sa oras ng pagsulat. Pinalaya ito noong Disyembre matapos i-lift ng House of Representatives ang contempt order laban sa kanya. Apat na buwan din siyang nakulong.
Si Ong ay isa sa mga sentro ng POGO scandal. Una siyang ikinulong ng Kamara noong Agosto 26, 2025 matapos paulit-ulit na isnabin ang mga subpoena ng Kongreso. Itinurn-over siya ng Bureau of National Investigation matapos madakip sa Indonesia kasama si Sheila Guo, kapatid ni dating Bamban Mayor Alice Guo.
Muling na-contempt si Ong noong Setyembre at dinala sa Correctional Institute for Women hanggang i-lift ang contempt order.
Ayon sa rekord, si Ong ay authorized representative ng Lucky South 99 Corp. at isa rin sa mga stakeholders ng Whirlwind Corp. na siyang nagpaupa ng lupa sa dating POGO hub.
Una umanong ipinarehistro ang Lucky South noong 2019 bilang isang business process outsourcing (BPO) company, batay sa dokumento mula Securities and Exchange Commission. Ngunit kalaunan ay lumabas na sangkot ito sa mga aktibidad na labas sa saklaw ng isang BPO.
Nang magpakilalang POGO, sinalakay ito ng PAOCC noong Hunyo ng nakaraang taon. Mahigit 160 banyagang nationals, karamihan mula China, ang naaresto.