Cayetano

Cayetano pinangunahan send-off para sa mga Pinoy na atleta sa 33rd SEA Games

253 Views

PINANGUNAHAN ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang send-off para sa tatlong pambansang koponan na sasabak sa 33rd Southeast Asian (SEA) Games na nagsimula noong Disyembre 9 sa Thailand.

Bilang dating chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) at kilalang sports advocate, nagpahayag si Cayetano ng buong suporta sa mga atleta sa isinagawang fellowship at luncheon events sa Lungsod ng Taguig noong Disyembre 5 at 8.

Personal niyang sinuportahan ang Alas Pilipinas Men’s and Women’s Volleyball Teams, ang Philippine Table Tennis Federation, at ang Beach Volleyball Team ng bansa.

“If you do it right, now is your time… at kung may isang bagay na hindi namin maaaring kunin mula sa inyo, ito ay ang inyong fighting spirit, ‘yung puso talaga. The whole country is behind you,” mensahe niya sa mga atleta.

Bilang Chairman Emeritus ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF), aktibo pa rin si Cayetano sa pagtulong sa mga atleta, mula grassroots level hanggang elite sports. Aniya, ang kanyang simpleng hakbang ay patunay na ang suporta ng gobyerno ay dapat lampas pa sa pondo at kagamitan.

Iginiit din niya na ang kanyang suporta ay para sa buong Philippine delegation, hindi lamang sa mga koponang kanyang nakausap. “Mahalaga na ipakita natin sa kanila na naniniwala tayo sa kanila. Bawat laro, bawat tira, bawat laban ay may saysay — at ang buong bansa ay sumusuporta sa kanila,” ani Cayetano.

Ang SEA Games ngayong taon ay ginaganap sa Thailand, kung saan maraming larangan ang nilalahukan ng Pilipinas. Ipinahayag ni Cayetano ang kanyang tiwala at pagmamalaki sa determinasyon ng mga atletang Filipino na itaas ang bandila ng bansa.