Fernandez Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez

Chairman Fernandez: Kongreso walang inilaang pondo para sa EJK sa ilalim ng Duterte drug war

69 Views

WALANG inilaang pondo ang Kongreso para bigyan ng reward ang mga pulis na pumatay ng drug suspek.

Ayon kay Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, chairman ng House committee on public order and safety, bagaman naglaan ang mga nakaraang Kongreso para sa pagpapatupad ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, walang inilaan para gantimpalaan ng pamahalaan ang mga pulis at vigilante na nasa likod ng mga extrajudicial killing (EJK).

“No cash to kill! There is no line item budget for murder. Wala pong pondo para pumatay ng walang kalaban-labang mga tao. Congress provided the necessary resources to fight the drug menace, not to fund a cash reward system that encouraged the killing of individuals without due process,” ani Fernandez.

Iginiit ni Fernandez na ang pondo na inilaan ng mga nakaraang Kongreso sa war on drugs campaign ay para matugunan ang problema kaugnay ng iligal na droga at mabawasan ang krimen at hindi para gumawa ng mga hakbang na labag sa batas.

“Let it be clear—Congress provided billions of pesos in resources to combat the scourge of illegal drugs, but at no point did the national budget authorize funds for EJKs,” sabi ni Fernandez.

Sa dalawang affidavit na isinumite ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma sa House quad committee, kinumpirma nito na mayroong reward system sa war on drugs ni Duterte kung saan binibigyan ng pabuya ang mga nakakapatay ng mga isinasangkot sa iligal na droga.

Ayon kay Garma, ang war on drugs campaign ay mula sa tinatawag na Davao model na siyang ginamit ni Duterte sa Davao City noong siya ang alkalde ng lungsod.

Sa kanyang unang affidavit, sinabi ni Garma na ang kaibigan ni Duterte na si Sen. Christopher “Bong” Go ang siyang nangangasiwa at nakikipag-ugnayan sa reward-driven anti-drug campaign.

Ayon kay Garma, isang retiradong police colonel, ang reward ay nagkakahalaga ng P20,000 hanggang P1 milyon depende sa target.

Sa kanyang ikalawang affidavit, kinumpirma naman ni Garma na mayroong Davao Death Squad (DDS), ang grupo ng mga pulis at rebel returnee na nagsasagawa ng pagpatay sa Davao.

Ang mga pahayag ni Garma ay kinumpirma naman ni dating National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo, na inirekomenda ni Garma kay Duterte upang ipatupad sa buong bansa ang Davao model.

Bago nagsalita si Garma, humarap sa pagdinig si retired Police Lt. Col. Jovie Espenido, na itinuturing na poster boy ng Duterte drug war at isiniwalat ang reward system.

Ayon kay Espenido, galing ang pera na ibinibigay na reward sa jueteng at iba pang iligal na sugal, mga Philippine offshore gaming operator (POGO), intelligence funds at kita mula sa small town lottery ng PCSO.

Sinabi ni Espenido na dumadaloy ang pera mula sa lebel ni Bong Go diumano pababa sa mga pulis.

Sa isa sa mga pagdinig, sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro na hindi imposible na ginamit na reward ang confidential at intelligence fund ni Duterte na siyang dahilan kung bakit bilyun-bilyon ang hinihingi nito taun-taon mula 2017 hanggang 2022.

Iginiit ni Fernandez na bagaman suportado ng Kongreso ang war on drugs ni Duterte, walang inilaang badyet para sa pagsasagawa ng EJK.

“The funds Congress allocated were for the protection of Filipino citizens, not for the wholesale violation of their rights. There was no budget item that authorized law enforcement to act as judge, jury, and executioner,” ani Fernandez.

“The goal was to dismantle the drug trade, not to massacre suspected users or pushers, many of whom turned out to be innocent,” punto pa nito.

Kung mapatutunayan umano na pondo ng bayan ang ginamit sa “cash-for-kill” system ay malinaw na ito ay isang maling paggamit ng badyet na paglabag sa mga batas.

“What we’re uncovering is a betrayal of the trust Congress placed in law enforcement,” sabi pa ng mambabatas. “Funds intended for legitimate anti-drug efforts were diverted into a system that rewarded killings without due process. This cannot go unpunished.”

Iginiit din ni Fernandez na dapat gamitin ng Kongreso ang oversight function nito upang matiyak na tama ang ginawang paggamit sa pondo.

“This is a wake-up call for stronger safeguards and stricter controls over how confidential and intelligence funds and operational budgets are utilized,” wika pa nito.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House quad committee, sinabi ni Fernandez na titiyakin ng Kongreso na walang pondo na ilalaan para sa pagsasagawa ng EJK.

”There will be no room in future national budgets for this kind of abuse,” deklara ni Fernandez. “We will make sure that any funds allocated for law enforcement are used solely for legal and transparent operations that respect human rights.”