Khonghun

Chairman Khonghun kay VP Duterte, mga kandidato at ka-alyansa niya: Ilabas n’yo ang angas sa pambu-bully ng China

12 Views
Khonghun1
Zambales 1st District Rep. Jefferson “Jay” Khonghun

NANAWAGAN si House special committee on bases conversion chairman Jay Khonghun ng Zambales kay Vice President Sara Duterte at mga kandidato na kanyang sinusuportahan na huwag manahimik at sumama sa laban kontra sa ginagawa ng China sa West Philippine Sea (WPS), gaya ng pag-angkin sa Sandy Cay kamakailan.

Ayon kay Khonghun, na isang House Assistant Majority Leader at kinatawan ng lalawigan ng Zambales na nakaharap sa WPS, nakakapagtaka kung paanong si Duterte, mga kandidato at kaalyad nito—na madalas nag-iingay at palaban sa iba’t ibang isyu—ay nananamihik pagdating sa ginagawang pambu-bully ng China sa Pilipinas.

“Kapag ibang isyu, ang ingay ni VP, kanyang mga kandidato at kakampi. Pero ‘pag-China na ang kalaban, bigla na lang silang nawawala. Parang nawawala rin ang paninindigan. Sa bullying ng China, doon nila gamitin ang angas. Dapat pro-Pilipinas tayo at hindi puwedeng selective ang tapang,” ani Khonghun.

Ang pinakahuling tensyon sa Sandy Cay, isang sandbar na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, ay nagdulot ng galit mula sa mamamayan matapos magdala ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard ng watawat ng China roon, na itinuturing na hakbang sa pag-angkin nito.

Ayon kay Khonghun, dapat magkaroon ng iisang boses laban sa lantad at matapang na hakbang ng China lalo na mula sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

“Sana sa issue ng China palaban ka din. Kapag inaatake na ang ating soberanya, sana mag-ingay ka din. Ipaglaban mo dapat ang bansa. Ipaglaban mo dapat ang mamamayang Pilipino,” wika ni Khonghun.

Dagdag pa ng kinatawan ng Zambales, malinaw na pinapaboran ng publiko ang mga posisyong maka-Pilipino, batay na rin sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey na nagsasabing 75 porsiyento ng mga Pilipino ang mas pinipili ang mga kandidatong ipaglalaban ang karapatan ng Pilipinas sa WPS.

“Napakalinaw ng sinasabi ng taumbayan: gusto nila ng mga pinunong hindi natatakot sa China. Kaya kung patuloy ang pananahimik ni VP Duterte, dapat siyang tanungin kung nasaan ang loyalty niya: sa bayan ba o sa ibang bansa?” tanong ni Khonghun.

Tinuligsa rin ni Khonghun ang pagiging bukas ni Duterte sa pagsasalita tungkol sa pulitika at pagbato ng mga alegasyong walang basehan, kasama na ang paulit-ulit na kontrobersiya ukol sa pambansang budget, na matagal nang napatunayang walang katotohanan.

“Kapag usapang politika, ang ingay kaagad ni VP. Kapag na-criticize siya, may sagot agad. Pero kapag inaatake na ng China ang ating teritoryo, nakakabingi ang kanyang katahimikan,” saad pa niya.

Sinabi pa niya na napapansin ng mga tao ang ganitong uri ng pananahimik tuwing isyu na ang China, at karapat-dapat lamang na magkaroon ang bansa ng isang Pangalawang Pangulo na handang tumindig laban sa mga banta ng dayuhan.

Matagal na aniyang naghihirap ang mga lokal na mangingisda dahil sa panghihimasok ng China at kailangan ng iisang pagtindig mula sa pamahalaang nasyunal.

“Hindi neutrality ang ibig sabihin ng pananahimik eh. Ibig sabihin nito, kampi ka sa China ‘pag tahimik ka sa issue ng encroachment. Paano na lang ang ating mga mangingisda na nalalagay ang buhay sa balag ng alanganin sa West Philippine Sea? Aba, lumalaban sila, ‘di ba? Sa issue ng China, mas matapang pa sila kay VP sa isyu ng interes ng bayan,” sabi ni Khonghun.

“Kung kaya niyang ipaglaban ang sarili niya sa harap ng camera, dapat mas kaya niyang ipaglaban ang bayan sa harap ng China,” dagdag pa ni Khonghun.