Loyzaga

Climate-resilient water supply malapit na sa Sibutu, Sitangkai

Cory Martinez May 8, 2025
15 Views

MAGKAKAROON na ng pagkakataon ang mga komunidad sa Sibutu at Sitangkai, Tawi-Tawi na makagamit ng climate-resilient water supply system sa oras na matapos ang construction nito.

Maisasakatuparan na ang naturang proyekto matapos makakuha ang Pilipinas ng una nitong Adaptation Fund (AF)-financed project na nagkakahalaga ng $10 milyon sa ginanap na 44th Board Meeting of the Adaptation Fund sa Bonn, Germany noong Abril.

Ayon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, layunin ng proyekto na mapaigting ang katatagan ng mga komunidad sa Tawi-Tawi sa epekto ng climate change.

Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang itinalaga sa AF at ito ang nagsulong sa pagbuo ng naturang proyekto kasama ang mga ilang stakeholder.

Ang proyekto, na may titulong “Harnessing the water-energy-food nexus to address and adapt to climate change impacts in Tawi-Tawi,” naglalayong suportahan ang mga komunidad na makakuha ng climate-resilient water access sa pamamagitan ng pagtaas sa adaptive capacity ng mga munisipalidad ng Sibutu at Sitangkai.

Ipapatupad ang proyekto sa pamamagitan ng iba’t-ibang component katulad ng pag-deploy ng mga resilient water supply systems na isasama sa kasalukuyang renewable energy infrastructure sa Tawi-Tawi; pagsuplay ng local capacity building para sa sustainable water management; pagpapalakas ng katatagan ng mga lokal na komunidad at ang kanilang kabuhayan at pagbibigay ng kaalaman sa pamamahala kung paano palakasin ang mga aktibidad sa naturang proyekto.

Ipapatupad ang naturang proyekto ng United Nations Industrial Development Organization (UNIDO) at Mindanao Development Authority (MinDA).

Ipapakita din ng proyekto kung paano kikilalanin ng water-energy-food nexus ang pagkakaugnay-ugnay ng mga pangunahing resources at patungo sa mas epektibong climate solution, ayon sa kalihim.

“By enhancing water security, we are not only safeguarding the livelihoods of our seaweed farmers but also reinforcing the economic foundations of the communities affected by climate change,” anang kalihim.

Miyembro ang Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Finance (DOF), ng AF Board bilang kinatawan ng Non-Annex I Parties.

“This project is not only the country’s first access to the Adaptation Fund. It is, more importantly, an assertion of our promise that no Filipino will be left behind in our nation’s pursuit of climate resilience and sustainable development,” sabi ni Finance Secretary Ralph Recto.