Sanson Buenaventura Sanson Buenaventura

Code name ni Duterte na ‘Superman’ kinumpirma ng dating bodyguard driver

28 Views

KINUMPIRMA ng dating bodyguard-driver ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na “Superman” ang call sign ng dating mayor ng Davao City.

Ang sinabi ng retiradong pulis na si Sanson Buenaventura ay mistulang pagkumpirma sa mga naging pahayag ng ilang personalidad, gaya ng mga dating miyembro ng kinatatakutang Davao Death Squad (DDS).

Si Buenaventura, na naging bodyguard at driver ni Duterte mula 1988 hanggang 2008, ay tinanong ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa pagdalo nito sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes noong Huwebes.

“Mr. Buenaventura, sino po si Superman? Hindi niyo rin po ba alam?” tanong ni Luistro.

Sagot naman ni Buenaventura, “Iyon ang call sign ni Mayor Duterte noong may radio pa kami.”

Pagpapatuloy ni Luistro, “At least you confirm that Superman is Mayor Duterte. Yes, he is actually called Superman by DDS.”

Sinabi ni Buenaventura na Superman ang tawag kay Duterte ng ilang grupo sa Davao City.

Nang usisain ni Luistro, sinabi ni Buenaventura na wala itong alam sa sinasabing DDS at media lamang umano ang gumawa ng tawag na ito.

“Narinig ko lang ‘yan. Ang nagbigay ng pangalang ‘yan is the media,” ani Buenaventura.

“Everybody in DDS knows Mayor Duterte as Superman. Are you not confirming to the Quad Comm the existence of the Davao Death Squad?” tanong ni Luistro na sinagot naman ni Buenaventura ng: “Narinig ko lang, your honor. Ang nagbigay ng pangalang ‘yan is the media.”

Ipinaalala naman ni Luistro ang naging pahayag ni Duterte sa pagdinig ng Senado kung saan sinabi nito na mayroong DDS.

“Siya po ang may sabi,” ani Buenaventura na pinanindigan na wala itong alam sa DDS.

Sa pagtatanong ni Luistro, inamin ni Buenaventura na loyal ito kay Duterte. “Naging mabait po siya sa akin at sa pamilya ko. Kung may problema, andiyan po siya para tumulong,” aniya.

“So, if there were orders that would have gone beyond your regular duties, would you have questioned them, or was your loyalty to him unquestionable?” sunod na tanong ni Luistro.

Sagot naman ni Buenaventura, “Your honor, bilang driver at security ni Mayor Duterte, ang trabaho ko ay alagaan siya at sundin ang mga utos niya bilang public servant. Pero hindi po totoo na ako ay nasangkot sa kahit anong labas sa trabaho ko.”

Sunod na tanong ni Luistro, “But if people from the DDS, or anyone within Duterte’s circle, took ‘Superman’s’ orders to mean more than protection and security, are you telling us you would not know of it?”

“Hindi po, your honor. Ang pagkakaalam ko sa DDS ay naririnig lang sa media. Ako po ay driver lang niya,” sagot naman ng driver-bodyguard.

Ang pangalan ni Buenaventura ay ilang ulit na nabanggit sa mga testimonya ng iba’t ibang tao na nagsalita kaugnay ng DDS.

Sinabi ng self-confessed DDS hitman na si Arturo Lascañas, sa kanyang affidavit noong 2017, na si Buenaventura ay mayroong malaking papel sa DDS at siyang responsable sa logistics at pananalapi at nagsisilbing liaison upang maiparating ang mga utos ni Duterte.

Ayon kay Lascañas, si Buenaventura ang nagbababa ng mga utos ni Duterte gaya ng mga papataying indibidwal.

Sa affidavit naman ng isang “Jose Basilio,” inilarawan nito si Buenaventura bilang operational “big boss” ng Heinous Crime Investigation Section, na nasa likod umano ng pagbibigay ng clearance sa operasyon ng DDS na tumatarget sa mga kriminal.

Ayon kay Basilio, ang mga utos mula kay Buenaventura ay pinaniniwalaang nagmula kay Duterte kaya sinusunod ito ng mga miyembro ng DDS.

Nabanggit din ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Royina Garma si Buenaventura na siya umanong nagbibigay ng P20,000 reward sa mga station commander sa bawat napapatay nilang drug suspect.