Madrona

Committee on Tourism todo kayod sa mga nakabinbing panukalang batas para agad maisalang sa Plenaryo

Mar Rodriguez May 5, 2023
187 Views

TODO kayod ang ginagawa ng House Committee on Tourism bago ang muling pagbubukas ng session sa Kamara de Representantes sa susunod na linggo sa pamamagitan ng pagtutok sa mga panukalang batas na nagsusulong ng turismo sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Tourism Committee, na puspusan ang ginagawa ngayon ng kaniyang Komite para maisalang sa Planaryo ang mga panukalang batas na nagsusulong ng turismo sa isang partikukar na lalawigan.

Ayon kay Madrona, ang mga panukalang batas na kasalukuyang naka-pending sa kaniyang Komite ay nagde-deklara sa isang makasaysayan o historical site ng isang lalawigan bilang “tourist destination” na inaasahang makakatulong sa ekonomiya ng kanilang lokal na pamahalaan dahil sa pagpasok ng mga turista.

Nabatid kay Madrona na kabilang dito ay ang inakda niyang House Bill No. 5882 na nagde-deklara sa Municipality ng San Jose na kilala at popular na “Isla de Carabao” sa lalawigan ng Romblon bilang tourism destination. Kung saan, ang nasabing Isla ay itinuturing na mas maganda pa kumpara sa dinadayong “Boracay Island”.

Bukod dito, nakasalang din aniya sa Committee on Tourism ang House Bill No. 6913 na inakda ni Congressman Fernando T. Cabredo na ang layunin naman ay ideklara ang foreshore sa Albay West Coast sa ika-tatlong distrito ng Albay bilang tourist spot na inaaasahang lalong magpapatanyag sa lalawigan ng Albay.

Ipinaliwanag ni Madrona na nais nilang maisalang na sa Plenaryo ang iba pang panukalang batas bago ulit mag-adjourn ang session ng Kamara de Representantes bilang paghahanda naman sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.