DA

DA naglaan ng dagdag P82.5M para palakasin produksyon ng bigas sa Iloilo

Cory Martinez Dec 8, 2024
48 Views

INAPRUBAHAN ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang paglalaan ng karagdagang halagang P82.5 milyong pondo upang palakasin pa ang rice production sa Iloilo, na isa sa mga pangunahing probinsiya sa bansa na nagpo-produce ng bigas.

Ayon kay Tiu Laurel, patuloy ang ahensya sa paghahanap ng sobrang pondo upang matulungan ang mga magsasaka na makapag-produce pa ng maraming bigas at lumaki ang kanilang kita habang mapapalakas din ang food security ng bansa.

“The Marcos administration is fully committed to helping millions of Filipinos who depend on agriculture reap the benefits of their hard work,” ani Tiu Laurel.

Paliwanag pa ni Tiu Laurel na sa pamamagitan ng karagdagang pondo, matutulungan ng DA Region VI ang hybrid rice production para sa karagdagang 16,500 ektarya. Dahil dito, madagdagan ang mga lupain na matataniman ng bigas ng higit sa 50 porsyento mula sa dating target na 30,000 ektarya para sa dry season.

Ang Region VI, na kinabibilangan ng mga probinsiya ng Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, Guimaras, at Negros Occidental, ay mayroong 322,000 ektarya ng palayan at may kontribusyon na 14 porsyento sa national production.

Subalit ang average na ani na 3.4 metriko tonelada kada ektarya noong 2023 ay mababa sa national average na 4.2 metriko tonelada.

Mapapalaki pa ang ani sa pamamagitan ng higher-yield potential varieties, tamang irigasyon, nutrisyon at mga inirekomendang cultural management practices, at iba pang agricultural interventions.

“Weather permitting, the additional hectarage that will be planted with hybrid varieties should increase our rice harvest during this dry season,” ani Region VI Executive Director Dennis Arpia.

Binigyang-diin ni Arpia na kahit na nakakapag-ani ng sampung metriko tonelada kada ektarya mula sa mga hybrid na binhi sa ilalim ng magandang kundisyon, kuntento na ang regional office na makapag-ani ng limang metriko tonelada kada ektarya sa gitna ng hindi mawaring lagay ng panahon sa Western Visayas.

“If rains come during the flowering stage, they could significantly impact yields,” dagdag pa ni Arpia.

Nagsimula nang magtanim ang ilang lugar sa Western Visayas para sa dry season samantalang tinatapos pa lang ang anihan dahil sa pagka-antala dulot ng El Niño.