Laurel

DA Sec. Laurel binigyang-diin halaga ng PH-FAO kolaborasyon

Cory Martinez Oct 20, 2024
55 Views

MAHALAGA sa Pilipinas ang kolaborasyon nito sa Food Agriculture Organization (FAO) upang maihanay ang inisyatibo sa pagpapaunlad ng agrikultura at food security ng bansa, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Sinabi ito ng kalihim matapos makipagpulong kay FAO Director General Dr. Qu Dongyu sa Rome, Italy.

Pinunto ni Tiu Laurel ang kahalagahan ng kasalukuyang partnership ng Pilipinas at FAO at nagpasalamat siya kay Qu sa kanilang pag-uusap sa ginanap na 37th Asia-Pacific Regional Conference sa Sri Lanka.

“It is a pleasure to reconnect with you, Director-General Qu, following our initial discussions in February. I’m grateful for the opportunity to participate in the 2024 World Food Forum and present the Philippines’ Hand-in-Hand Investment proposal,” ani Tiu Laurel.

Sa naturang forum, ibinida ng Pilipinas ang estratehiya nito sa investment plan na nakatuon sa apat na pangunahing commodity sector–abaca, kawayan, mangga at seaweed.

Ayon Tiu Laurel, napakahalaga ng mga naturang sektor sa pagpapalakas ng ekonomiya, sa pagdagdag ng trabaho at pagsuporta sa sustainable development.

Ibinunyag pa ni Tiu Laurel ang interes ng mga potensyal na partner at magkakaroon ng mga follow-up discussion sa mga susunod na linggo upang mapalawig pa ang mga kolaborasyon.

Kabilang sa Philippine delegation sa Roma ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na may kinalaman sa official development assistance, agribusiness investment, international affairs at export development.

Kasama din ang mga high-level representatives mula sa pribadong sektor tulad ng seaweed, coconut, tuna at fertilizers.

Binigyang-diin din ni Tiu Laurel ang pagpapatibay ng trade partnerships at technological cooperation upang ma-modernize ang agri-food systems.

“We are keen to develop our agriculture sector through increased trade and investment. The Philippines is dedicated to creating sustainable livelihoods for our farmers and fisherfolk,” dagdag pa ni Tiu Laurel.