Calendar
Dagdag pondo sa Pinoy scientists, engineers pantapat ni Ping vs climate change
MAHALAGA ang magiging papel ng mga eksperto sa sektor ng research and development (R&D) tulad ng mga siyentipiko at inhinyero, sa ilalim ng liderato ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson para malabanan ang mga epekto ng climate change.
Para maisagawa ito, ayon kay Lacson, plano niya na dagdagan ang alokasyon ng pondo para sa mga manggagawa ng R&D sa bansa upang mahikayat din sila na magsilbi sa bayan tungo sa paghahanap ng mabisang solusyon sa mga epekto ng pagbabago ng klima o panahon.
“I-increase natin ‘yung budget for research and development nang sa ganoon ‘yung mga scientist natin ‘wag umalis at sila ang mag-imbento ng posibleng solusyon patungkol diyan sa energy, sa climate change, at lahat-lahat na. So, ‘yun ang ating katugunan diyan,” sabi ni Lacson sa ginanap na town hall forum sa Santa Barbara, Iloilo na kamakailan ay hinagupit ng bagyong ‘Agaton.’
Ibinahagi rin ni Lacson ang datos hinggil sa pagiging ika-apat ng Pilipinas sa listahan ng mga bansa na nahaharap sa malubhang epekto ng climate change. Ito ay batay sa ulat ng kompanyang Fitch hinggil sa Climate Change Physical Risk Exposure Heatmap na inilabas noong 2021.
“Pero tayo ‘yung pinakamaliit ang contribution sa carbon emission 0.3 or 0.4 percent lang tayo compared doon sa malalaking bansa gaya ng US, China, ‘yung highly industrialized countries, India, European countries,” paliwanag pa ng presidential aspirant.
Ipinakilala rin ni Lacson sa mga taga-Santa Barbara ang kanyang plataporma para malabanan ang climate change sa pamamagitan ng pagpalakas sa mga alternatibong pagkukunan ng enerhiya upang mabawasan ang pagdepende natin sa mga power plant na gumagamit ng langis o coal.
Pabor si Lacson sa paggamit ng solar energy o ng mga biomass power plant. Inihayag din niya ang posibilidad ng pagbibigay ng mga tax incentive sa mga korporasyon na may mga nakahandang power generator, kahit wala pang nararanasang kakulangan sa supply ng kuryente.
“Kailangan natin dito gastusan ng gobyerno ang binanggit ni dating Secretary Manny Piñol research and development. Napakaliit, 0.4 percentlang ‘yung nilalaan out of the national budget, ‘yung ginagamit sa R&D. ‘Yung mga ibang bansa ang laki ng kanilang mga investment,” sabi ni Lacson.
Isinusulong naman ni Piñol, na kasama nina Lacson at vice-presidential candidate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa Santa Barbara, ang mahigpit na pagpapatupad ng Enhanced National Greening Program sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“Talagang whole of nation approach ito… Hindi pwede ‘yung DENR na lang. Kasi ang ginagawa ng DENR ipakontrata ‘yung reforestation program, ‘yung national greening ipakontrata. Magtatanim ng ilang pirasong puno tapos iiwanan, tapos mamamatay ‘yung kuwan,” saad ni Piñol.
“Kung kailangan na i-engage natin ang mga corporation Top 1,000 corporations let’s task them to plant trees in 1,000 hectares each. That’s one million hectares and tax deductible ‘yung kanilang expenses. I think a lot of companies will bite that,” dagdag pa niya.
Inirekomenda rin ni Piñol ang polisiya na pagtatakda sa bawat mamamayang Pilipino na magtanim ng kahit isang puno kada taon para matulungan ang gobyerno sa national greening program.
“So, we really have to work on this, ano. Seryoso na programa. Hindi pwede ‘yung national greening program na kung saan-saan lang magtanim ng kahoy pagkatapos pabayaan na,” pahayag pa ng dating kalihim ng Department of Agriculture.