Pulis Source: PNP FB file photo

Dagdag pulis sa Undas, Pasko — DILG

Chona Yu Oct 22, 2024
78 Views

PINADODOBLE ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa Philippine National Police ang police visibility sa mga kalsada ngayong panahon ng Undas at Pasko.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Remulla na bagamat hindi tumaas ang krimen tuwing Undas sa nakalipas na limang taon, mas makabubuting maging alerto pa rin ang PNP.

Ayon kay Remulla, kailangang bantayan ng PNP ang panahon ng Pasko dahil karaniwang tumataas ang kaso ng krimen.

Halimbawa na ang pagdami ng mga mandurokot, snatcher, magnanakaw at iba pa.

Partikular na pinatutukan ni Remulla sa PNP ang mga matataong lugar gaya ng malls, Light Rail Transit (LRT), Metro Rail transit (MRT), at sa iba pang matataong lugar.

Ginawa ni Remulla ang pahayag matapos ang sectoral meeting sa Palasyo ng Malakanyang na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.