Hataman

Dagdag sa P1B Marawi Compensation Fund Program pinuri

Mar Rodriguez Sep 21, 2023
143 Views

IKINAGAGALAK ni House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Congressman Mujiv Hataman ang naging “commitment” ng Department of Budget and Management (DBM) para madagdagan ang P1 bilyong Marawi Compensation Fund Program para sa susunod na taon (2024).

Nauna rito, ikinalungkot ni Hataman ang mistulang pangba-barat umano ng DBM dahil sa napakaliit o kulang ang P1 billion na nakalaan para sa libo-libong claimants o mga naging biktima ng Marawi siege matapos sumiklab ang digmaan sa nasabing bayan noong May 23, 2017.

Sinabi ni Hataman na ikinatutuwa nito ang pangako ni Budget Sec. Amenah Pangandaman na dadagdagan nito ang nasabing halaga upang mas maraming biktima ng Marawi siege ang mabayaran. Kung saan, nakikipag-ugnayan na ang DBM sa House Committee on Appropriations.

Ipinaliwanag ni Hataman na napakalaking tulong para mga naging biktima ng digmaan ang pagdagdag sa P1 billion na ilalaan para sa Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022 sapagkat nasa 4,000 ang claimants na sisimulan ng ipamahagi sa pagpasok ng taong 2024.

Ayon sa Mindanao congressman, angkop na angkop ang naging commitment ng DBM dahil matagal na umanong hinihintay ng kaniyang mga kababayan na maibigay ang kanilang claims para makabalik na rin sa normal ang kanilang pamumuhay mula ng sumiklab ang digmaan sa Marawi.

Sinabi din ni Hataman na sa joint hearing ng Kamara de Representantes at Senado. Ipinahayag mismo ng Marawi Compensation Board (MCB) na nakatanggap na sila ng 4,762 claim application na nagsimula noong Hulyo 4 hanggang Agosto 31 ng taong kasalukuyan na nagkakahalaga naman ng P17.46 billion.

“I appreciate our mutual belief and sentiment that P1 billion a year is not enough to compensate the claimants of the Marawi Compensation Program. Kaya lubos ang ating pasasalamat sa House Committee on Appropriations at sa DBM for committing to increase the Marawi Compensation Fund for 2024,” sabi ni Hataman.