Calendar

Dahil sa FMD DA ipinagbawal importasyon ng baboy, baka galing South Korea, Hungary
IPINAGBAWAL ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng buhay na baboy, baka at kalabaw–kasama ang semilya, skeletal muscle meat, casing, taba ng hayop, mga kuko at sungay–mula sa South Korea at Hungary dahil sa foot and mouth disease (FMD).
Sa memorandum order ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., iniutos ang temporary importation ban matapos ang naiulat na kaso ng FMD sa mga kalabaw sa Hungary noong March 7 at mga baka mula sa South Korea noong March 18.
Ang FMD cases kinumpirma ng mga beterinaryo sa dalawang bansa at nai-report sa World Organization for Animal Health (WOAH).
Ayon sa research, malala at nakakahawa ang FMD na nakakaapekto sa hayop at nagdudulot ng malaking epekto sa ekonomiya.
Kabilang sa mga hayop na madaling kapitan ng virus ang baka, baboy, kambing at iba pang hayop na sulikap o hati ang mga paa.
“Ipinapatupad namin ang pagbabawal upang mapigilan ang pagpasok sa bansa ng FMD virus at protektahan ang kalusugan ng mga hayop na madaling kapitan ng FMD,” ani Tiu Laurel.
Hindi kasama sa ipinagbabawal ang ultra-high temperature na gatas at derivatives, heat-treated products na nakaselyo sa mga container, protein meal, gulaman, in vivo-derived embryos, limed hides, pickled pelts at semi-processed na balat.
Ang mga produkto mula sa mga hayop na kinatay o ginawa bago nag Pebrero 17 mula sa Hungary at bago nag-Pebrero 27 mula sa South Korea at nag-negatibo sa FMD test bago dumating sa bansa papayagang makapasok.