Calendar

Dapat sundin guidelines sa pagbibigay ng lisensya — Sen. Poe
NANAWAGAN si Sen. Grace Poe sa Land Transportation Office (LTO) na tiyaking ipinatutupad ang mga panuntunan sa pagbibigay ng lisensya sa mga drayber, kasunod ng madugong trahedya sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na kumitil sa buhay ng 10 katao, kabilang ang apat na bata.
“The fatal road crashes that have killed and maimed motorists must serve as a wake-up call for transportation officials to enforce the rules on licensing to the letter,” ani Poe.
Nangyari ang malagim na aksidente noong Huwebes, Mayo 1, na kinasangkutan ng ilang sasakyan at nag-iwan ng dose-dosenang sugatan.
Nakiramay si Poe sa mga naulilang pamilya at nanawagan ng agarang imbestigasyon at aksyon mula sa mga kinauukulan.
Ayon sa senadora ang Republic Act No. 10930—na siya ang pangunahing may-akda—isinulong upang bigyang gantimpala ang mga drayber na sumusunod sa batas sa pamamagitan ng pagpapalawig ng bisa ng lisensya mula lima tungong 10 taon.
Tanging mga drayber na walang anumang paglabag sa trapiko ang kuwalipikado sa 10-taong lisensya.
Gayundin, binigyang-diin ni Poe na hindi isinantabi ng batas ang mahigpit na pamantayan, kabilang na ang pagsasailalim sa driver’s education seminar at pagsusulit bago makakuha ng lisensya.
Ipinaalala rin niyang ang 10-taong lisensya ay maaaring masuspinde o bawiin kung may lumabag sa mga itinakdang regulasyon.
Isinaad din ng batas na may kaukulang parusa ang sinumang opisyal ng pamahalaan na maglalabas ng lisensya nang hindi dumaan sa tamang proseso—gaya ng hindi pag-administer ng pagsusulit, pakikipagsabwatan sa aplikante o labis na kapabayaan.
Sakaling mapatunayang may sabwatan, pandaraya sa pagsusulit, o pamemeke ng dokumento, pagmumultahin din ang aplikante ng halagang P20,000.
Iginiit ni Poe na dapat maging masigasig ang LTO at iba pang kaugnay na ahensya sa pagsawata sa mga pasaway na drayber upang mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko.
“Let’s penalize the violators and reward the drivers with clean record. The license is a privilege that comes with serious responsibilities,” sabi ng senador.