Calendar

DAR ni-write off P134M na utang ng mga magsasaka sa WV
UMAABOT sa P134 milyon na utang ng 3,500 magsasaka sa Western Visayas ang ni-write off ng Department of Agrarian Reform (DAR) bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan tungo sa katarungang agraryo at pagpapalakas ng mga kanayunan.
Ayon kay DAR-Western Visayas Regional Director Leomides Villareal, naipamahagi na sa mga magsasaka ang 3,565 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCROMs) noong Abril.
Kumakatawan ang mga naturang sertipiko sa pagpapatawad sa utang sa lupa na umaabot sa P134,565,081.48 sa ilalim ng Republic Act No. 11953 o New Agrarian Emancipation Act.
Isinagawa ang serye ng mga aktibidad sa pamamagitan ng mga in-house na seremonya sa mga DAR provincial at municipal offices sa buong rehiyon.
Dumalo rito ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga kawani ng DAR upang ipagdiwang ang tuluyang pagkawala ng mga ARB mula sa obligasyong pinansyal na may kaugnayan sa amortisasyon sa lupa.
Karamihan ng ibinigay na CoCROM sa Iloilo, 2,064; Capiz, 897; Antique, 497; Guimaras, 58; at Aklan, 49.
Ayon pa kay Villareal, malaking ginhawa ang naibigay ng hakbanging ito dahil pinalaya na ang mga ARB mula sa mga hindi nabayarang amortisasyon, interes at surcharges na naipon noong mga nakaraang taon na nagbigay sa kanila ng buong pagmamay-ari ng mga lupaing iginawad sa kanila.
“Sa pagpapalaya sa mahigit 3,500 na ARBs mula sa utang sa lupa, tinatapos natin ang mga taon ng paghihirap at binibigyan ang mga magsasaka ng bagong simula na puno ng pag-asa at pagkakataon,” ani Villareal.
Nagpasalamat ang mga magsasaka kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., DAR Secretary Conrado Estrella III at sa DAR-Western Visayas.
Para sa karamihan, ang sandaling ito nagsisilbing simula ng mas maliwanag na kinabukasan—isang bukas na may katiyakan sa kabuhayan, kapayapaan ng isipan at bagong layunin sa buhay, ayon kay Villareal.