Ryan

DepEd tiniyak mga kalahok sa Palaro 2025 ligtas, de kalidad na karanasan sa lalawigan ni PBBM

28 Views

PATULOY ang aksyon sa Palarong Pambansa 2025, at tiniyak ng Department of Education (DepEd) na ang kaligtasan at de-kalidad na karanasan ang pangunahing prayoridad sa taunang paligsahan, na ngayong taon ay ginaganap sa Ilocos Norte—ang lalawigang sinilangan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Handa tayo sa lahat. Siyempre iniisip natin ang lahat ng puwedeng mangyari. Ako’y nagpapasalamat sa ating DepEd family at sa mga lokal na pamahalaan dito sa Ilocos Norte. Napaka-supportive nila,” pahayag ni Education Secretary at Palarong Pambansa Board Chairperson Sonny Angara.

Bilang tagapangulo ng Palaro Board, si Sec. Angara ay personal na nakatutok sa paghahanda—mula sa lingguhang updates hanggang sa mabilisang tugon sa mga isyung may kinalaman sa logistics at kapakanan ng mga kalahok.

Ayon naman kay DepEd Undersecretary for Operations at Palaro Secretary General Malcolm Garma, ang mahigpit na koordinasyon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte, LGUs, at mga partner agency ang susi sa isang ligtas, inklusibo, at world-class na Palaro.

“Higit pa sa pasilidad, ang suporta ng komunidad at pambansang pagmamalaki ang nagpapabukod-tangi sa Palarong ito,” dagdag ni Usec. Garma.

Mahigpit na Kaligtasan at Kalusugan

Bago pa man dumating, siniguro ng DepEd na ang lahat ng atleta at delegado ay may medical certificate bilang patunay na sila’y fit to play. Sa kanilang pagdating, muling sinusuri ang kalusugan upang masigurong ligtas silang makalahok.

May first aid stations at hydration areas sa lahat ng venues, may mga ambulansya rin sa mga billeting at laro. Bukod sa physical injuries, may mga psychological first aid teams rin para sa mental health ng mga kalahok.

May Learner Rights and Protection Desks din sa bawat billeting at venue para sa agarang psychosocial na suporta.

Tugon sa mga Pangunahing Hamon

Upang tugunan ang isyu sa init at kakulangan sa tubig, in-upgrade ng DepEd at lokal na pamahalaan ang mga pasilidad at nakipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection para sa regular na supply ng malinis na tubig.

In-adjust din ang oras ng laro, iwas sa 10:00 AM–3:00 PM kahit indoor sports, para sa kaligtasan ng mga atleta.

Ligtas at Malusog na Pamumuhay

Tiniyak din ang kaligtasan sa pagkain, at hinihikayat ang mga atleta na bumili lamang sa mga certified na vendors. Mahigpit na ipinatutupad ang WASH standards, pati na ang anti-smoking, anti-vaping, at anti-alcohol policies.

Nagbigay rin ng suporta ang mga private partners gaya ng refreshments, gamot, at iba pang pangangailangan ng mga atleta at opisyal.

Habang papalapit ang pagtatapos sa Mayo 31, hangad ng DepEd na ang disiplina ng mga organizers, init ng pagtanggap ng mga Ilocano, at dedikasyon ng mga atleta ay maging bagong pamantayan para sa mga susunod pang Palarong Pambansa.