PDG

Desisyon ng Ombudsman na sibakin ex-Pampanga mayor pinaboran ng CA

56 Views

IBINASURA ng Court of Appeals (CA) ang apela ni dating mayor Teddy Tumang ng Mexico, Pampanga na irekonsidera ang naging desisyon nito na pagtibayin ang pagsibak sa kanya ng Office of the Ombudsman.

Sa resolusyon ng CA eighth division na may petsang Nobyembre 27, sinabi nito na wala itong nakitang merito para pagbigyan ang motion for reconsideration na inihain nina Tumang, former municipal engineer at bids and awards committee vice chairman Jesus Punzalan, dating administrative officer Luz Bondoc, at dating municipal accountant Perlita Lagman.

“A reading of the motion for reconsideration and supplement to the motion for reconsideration shows no cogent and compelling reasons to warrant a reconsideration of this Court’s decision,” sabi sa resolusyon.

“The arguments raised in the motion were already given due consideration in the issuance of the questioned decision and were found to be without merit. Thus, this Court finds no new or substantial matter presented to justify a modification or reversal of the assailed decision,” dagdag pa nito.

Ang resolusyon ay isinulat ni Associate Justice Myra Garcia-Fernandez at sinang-ayunan nina Associate Justices Walter Ong at Jose Lorenzo dela Rosa.

Noong Hulyo 18, pinagtibay ng CA division ang desisyon ng Ombudsman na sibakin si Tumang at tatlong iba pa bunsod ng grave misconduct kaugnay ng pagbili nito ng base course at iba pang construction materials noong 2008 ng hindi dumaan sa competitive bidding.

Ang base course ay mga materyales gaya ng crushed rocks, gravel, recycled asphalt, at lupa na ginagamit na pundasyon ng itatayong kalsada.

Sa inihaing reklamo ng OMB-Field Investigation Unit sinabi nito na ang bayan ng Mexico, sa ilalim ng pamumuno ni Tumang ay bumili ng construction supply sa Buyu Trading and Construction ng walang public bidding, isang paglabag sa Republic Act No. 9184, ng Government Procurement Reform Act.

Ginamit umano ng mga opisyal ang “shopping” na isa sa mga paraan na hindi pinapayagan ng RA 9184 sa kaugnay na pagbili.

Nagkakahalaga umano ng P773,000 ang biniling construction materials.

Si dating Mayor Tumang ay iniimbestigahan ng Quad Committee ng Kamara de Representantes kaugnay ng umano’y pagtulong nito sa mga Chinese nationals, na nagpanggap na mga Pilipino na makabili ng mga lupa sa kanyang bayan.

Isa sa mga nabiling lupa ay tinayuan ng warehouse kung saan nakumpiska ang may P3.6 bilyong halaga ng shabu noong Setyembre 2023.

Hiniling ng Quad Committee sa mga otoridad na kanselahin ang birth certificate, Filipino citizenship, Philippine passport, at mga titulo ng lupa na nabili ng mga Chinese nationals. Sa ilalim ng Konstitusyon ay pinagbabawalan ang mga dayuhan na mag may-ari ng lupa sa bansa.