DFA File photo mula US Central Command

DFA sa PH seamen: Igiit karapatan na tumangging sumakay ng barko

Edd Reyes Aug 23, 2024
105 Views

Kung maglalayag sa Red Sea

INABISUHAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pinoy seamen na dapat nilang igiit ang kanilang karapatan na tumangging sumakay ng barko kung ito’y maglalayag sa Red Sea malapit sa bahagi ng bansang Yemen para na rin sa kanilang kaligtasan.

Inilabas ng DFA ang abiso Biyernes ng umaga makaraang maiulat ang panibagong pag-atake ng mga rebeldeng Houthi sa Greek oil tanker na MT Sounion na may sakay na 23 tripulanteng Pinoy seafarers matapos maglayag sa Red Sea malapit sa Yemeni Port of Hodeidah nitong Huwebes.

“The DFA advises the public that the danger to all shipping in the Red Sea remains. This situation has worsened due in part to the conflict escalation in the Red Sea that poses a clear and present danger to all Filipino seafarers working in the area,” ang bahagi ng inilabas na pahayag ng DFA.

“The DFA therefore urges Filipino seafarers to exercise prudent choice and their right-to-refuse sailing in the Red Sea. Philippine nationals should avoid the area altogether unless absolutely necessary for their livelihood,” dagdag pa ng DFA.

Nauna ng iniulat na nailigtas ng Naval Force ng European Union nitong Huwebes ang 23 Pilipino seafarers at dalawang tripulanteng Russian ng nasabing oil tanker matapos itong atakihin ng mga rebeldeng Houthi.

Iniulat ng DFA na dinala ang mga nailigtas na tripulante ng oil tanker sa pinakamaliit na bansa sa East Africa na Djibouti.

Magugunita na ilang ulit na ring nabiktima ang mga Pilipinong seamen sa pag-atake ng mga rebeldeng Houthi habang sakay ng kani-anilang oil tanker na naglalayag sa Red Sea.