BBM1

Digitalization ng national ID pinamamadali ni PBBM

146 Views

NAGLABAS ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang pabilisin ang digitalization ng National Identification (ID) system.

Sa pagpupulong ng Private Sector Advisory Council (PSAC) kaugnay ng Digital Infrastructure sa Malacañang, isa sa napag-usapan ang panukala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na gamitin ang Public-Private Partnership (PPP) para sa ilulungsad na Digital PhilID App.

Target ng PSA na maumpisahan ang mobile app sa unang quarter ng taon.

Hiniling ni Pangulong Marcos ang tulong ng pribadong sektor upang agad na mailabas ang National ID.

“Naiwanan na tayo sa technology, so we have to catch up,” ani Pangulong Marcos.

Kasama umano sa benepisyo ng pagkakaroon ng digital ID system ang automated eKYC (Know Your Customer), identity theft protection, mas mabilis na credit card at loan applications, at digital wallet.

Kapag naisama na umano ang digital ID sa digital wallet ay maiiwasan na ang mahabang pila sa pamamahagi ng mga tulong ng gobyerno gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS). Makatutulong din umano ito sa paglaban sa scam.