Calendar

Dizon nangakong bibilisan proyekto sa transportasyon
NANGAKO si Kalihim ng Transportasyon Vince Dizon na bibilisan ang pagpapatupad ng malalaking proyekto sa transportasyon upang maibsan ang araw-araw na hirap ng mga commuter at makatulong sa kanilang pagtipid ng oras, matapos aprubahan ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang kanyang ad interim appointment bilang kalihim ng transportasyon nitong Miyerkules.
Ipinahayag ng mga miyembro ng Komisyon ang kanilang buong suporta kay Kalihim Dizon noong Martes.
Muling binigyang-diin ni Kalihim Dizon ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagandahin ang buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtugon sa mga hamon sa sektor ng transportasyon.
“Hiningi sa akin ng Pangulo na gawing mas kumportable at ligtas ang biyahe ng ating mga commuter, at pabilisin ang pagpapatupad ng mga kasalukuyang proyekto na magpapagaan sa kanilang araw-araw na paglalakbay,” ani Kalihim Dizon sa harap ng mga miyembro ng CA nitong Martes.
“Dalawa ang mahigpit na bilin ng Pangulo: kailangang gawing mas komportable at ligtas ang biyahe ng ating mga kababayan, dahil hindi biro ang hirap na dinaranas nila—lalo na sa pagko-commute. Pero ang pinakamasakit dito ay ang oras na nawawala sa kanila araw-araw dahil sa kakulangan ng imprastruktura,” dagdag niya.
Nagpasalamat ang kalihim sa komisyon at tiniyak na isusulong ang mga commuter-centered na proyekto upang makapagbigay ng mas komportableng, episyente, at ligtas na pampublikong transportasyon.