Sara Vice President Sara Duterte

DML Ortega dismayado sa desisyon ng Senado na ipagpaliban presentasyon ng impeachment laban kay VP Duterte: ‘Parang hindi ka sinipot ng ka-date mo’

25 Views

INIHALINTULAD ng isang pinuno ng Kamara de Representantes ang desisyon ng Senado na ipagpaliban ang presentasyon ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa hindi pagsipot sa date.

Sinabi ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na bagama’t maliit na bagay ang delay, nakakadismaya pa rin ito lalo na’t naghanda na ang Kamara para rito.

Sa halip na sa Hunyo 2 ay sa Hunyo 11, ang huling araw ng sesyon ng 19th Congress, gagawin ang presentasyon.

“Parang may ka-date ka lang pero biglang hindi ka sinipot tapos pwede bang after one week na lang tayo lumabas? Parang ganoon eh, hindi ba? Naka-ready ka na, nakabihis ka na, tapos hindi pala tuloy ‘yung date mo. Parang ganoon ‘yung feeling,” ani Ortega.

Ayon kay Ortega, ang naging desisyon ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ay nagdulot ng pangamba kaugnay sa nalalabing panahon at posibleng conflict sa iskedyul ng sine die adjournment ng ika-19 na Kongreso.

“Oo nga eh, na-receive siya yesterday. Pero sabi ko nga baka naman hindi kaya masyadong ipit sa oras? Sabagay babasahin naman po ‘yun pero sabi ko nga again, it’s in the hands of the Senate. Leadership call sabi ko nga. Pero ang importante eh mabasa na po itong Articles of Impeachment at ma-receive na rin po sa Senado, call po talaga nila ‘yan,” ani Ortega.

“Ang worry ko lang talaga ‘yung time element. I guess, the representative from the House, sabi ko agahan n’yo na lang pumunta doon, mga lunchtime siguro. ‘Yun nga lang ang conflict lang, siyempre sine die ‘di ba so may closing din sa Congress. So hati na lang sa oras,” dagdag pa niya.

Nang tanungin tungkol sa implikasyon ng pagkaantala sa proseso ng impeachment, sinabi ni Ortega na nagpaliwanag na ang Senado at tinatanggap ito ng Kamara.

“Ayaw ko naman mag-overthink. Parang may explanation naman sila sa letter kung why nila na-move, so we’ll take it at face value. Sabi ko basta agahan na lang siguro ng mga representatives natin from the House,” ani Ortega.

“Kasi ‘di ko rin alam kung sino magbabasa, kung prosecutor or regular House member lang,” dagdag niya.

Nang tanungin kung katanggap-tanggap ba ang paliwanag ng Senado—na kailangang bigyang prayoridad ang mga nakabinbing panukala—sinabi ni Ortega na wala silang magagawa kundi tanggapin ito, habang iginiit na lahat ng panukalang batas sa Kongreso ay mahalaga.

“Well, walang kaming magagawa kundi tanggapin. Sabi ko nga, kung priority bills talaga nila ‘yan, sabi ko nga lahat naman ng bills saka mga ipinapasa natin equally important ‘yun. Ayaw ko namang tanggalan ng importansya ‘yung mga either local or national na bills natin,” ani Ortega.

Gayunpaman, inamin ni Ortega na may kaunting pangamba dahil may nauna nang napagkasunduang iskedyul.

“Well, may delay, may cause of delay. Doon lang tayo may konting apprehension kasi sayang ‘yung oras. A few months ago, a few weeks ago may na-set na tayo na oras tapos biglang ganito na naman,” wika niya.

Gayunman, iginiit niyang ang pinakamahalaga ay maituloy ang pagbasa ng Articles of Impeachment sa kabila ng pagka-antala rito.

“So sa akin lang, basta ma-accomplish na ‘yung pagbasa okay na sa akin ‘yan. ‘Yun nga lang, sabi ko, may konting delay pero ano naman tayo, optimistic pa rin tayo,” ani Ortega.